Shares ng BTS label bumagsak matapos ianunsiyo ng banda ang kanilang indefinite break
Bumagsak ngayong Miyerkoles ang shares ng management agency ng K-pop supergroup na BTS sa early trading sa Seoul, makaraang ianunsiyo ng banda ang kanilang indefinite break.
Ang anunsiyo ay ginawa ng pitong miyembrong banda, na sinasabing nagpasok ng bilyun-bilyong dolyar sa ekonomiya ng South Korea, sa naka-livestream na “FIESTA” dinner, na bahagi ng isang selebrasyon kaugnay ng anibersaryo ng grupo.
Ang balita ay naging dahilan para bumagsak ng humigit-kumulang 27 percent ang shares ng HYBE label ng banda hanggang kaninang alas-10:40 ng umaga (oras doon).
Binanggit ng grupo ang pressure ng kasikatan at tagumpay na dahilan ng kanilang indefinite break, at sinabing plano muna nilang mag-pokus sa solo career.
Malaki ang kinita ng label ng BTS kahit na kakaunti lamang ang naging concerts ng grupo sanhi na rin ng Covid-19 pandemic.
Ang BTS ang unang all-South Korean act na namayani sa Billboard US top singles chart, isang milestone na kanilang nakamit sa pamamagitan ng awitin nilang “Dynamite” — ang una nilang kanta na inawit sa kabuuan sa wikang Ingles.
Kabilang rin sila sa ilang artists mula nang gawin ng The Beatles, na nakapag-release ng apat na albums na lahat ay nag-number one sa US, nang wala pang dalawang taon.
Dalawang beses ding na-nominate ang grupo para sa isang Grammy subalit hindi pa nananalo.
Kamakailan ay naging laman ng headlines ang BTS dahil sa pagbisita sa White House, para mag-deliver ng isang mensahe kay US President Joe Biden sa paglaban sa anti-Asian racism.
Dati nang nag-anunsiyo noon ang BTS ng maikling break, una ay noong 2019 at sumunod ay noong December 2021.
© Agence France-Presse