Shakira, maaaring maharap sa walong taong pagkabilanggo
Sinabi ng Spanish prosecutors, na hihingi sila ng higit walong taong prison sentence laban sa global music superstar na si Shakira, matapos niyang tanggihan ang plea deal sa mga akusasyon ng tax evasion.
Hihingi rin ang prosecutors sa Barcelona ng multang halos 24 na milyong euros o 24. 5 milyong dolyar mula kay Shakira, na inaakusahan nila ng panloloko sa Spanish tax office mula sa 14.5 milyong euros na kaniyang kinita sa pagitan ng 2012 at 2014.
Si Shakira, na nakapagbenta ng higit 60 milyong albums, ay tumanggi sa isang plea deal noong Miyerkoles, at sa isang statement sa pamamagitan ng kaniyang abogado ay sinabing nakatitiyak siya na wala siyang kasalanan, at nagpasyang hayaang makarating sa korte ang kaso, na tiwalang mapatutunayan ang kawalan niya ng sala.
Hindi pa nai-aanunsiyo ang alinmang formal referral to court, at wala pa ring naitatakdang petsa para sa trial.
Ayon sa abogado ni Shakira, na isa sa pinakamalaking pangalan sa global music industry, namamalaging posible ang pagkakaroon ng isang agreement hanggang sa magsimula ang alinmang trial o paglilitis.
Sinabi ng prosecutors, na lumipat si Shakira sa Spain noong 2011 nang ang kanyang relasyon sa defender ng FC Barcelona na si Gerard Pique ay naging lantad na sa publiko, ngunit namalagi ang kaniyang official tax residency sa Bahamas hanggang 2015. Ang mag-asawa, na may dalawang anak, ay nag-anunsyo ng kanilang paghihiwalay noong Hunyo.
Noong Miyerkules ay binatikos ng mang-aawit ang aniya’y “ganap na paglabag sa kanyang mga karapatan” at “mga mapang-abusong pamamaraan” na ginawa ng tanggapan ng piskal.
Sinabi ni Shakira, na “pinipilit ng prosecutors na kunin ang mga perang kinita niya mula sa kaniyang international tours at mula sa show na “The Voice” kung saan isa siya sa hurado sa Estados Unidos, nang siya ay “hindi pa residente ng Spain.”
Si Shakira ay naging bahagi ng naturang competition show sa pagitan ng 2013 at 2014.
Ayon sa kaniyang mga abogado, hanggang 2014 ay kinita niya ang malaking bahagi ng kaniyang salapi mula sa international tours, at lumipat lamang sa Spain ng “full time,” noong 2015 at binayaran naman ang lahat ng kaniyang tax obligations.
Aniya, nagbayad siya ng 17.2 million euros sa Spanish tax authorities at “wala siyang utang sa Treasury sa maraming taon.”
Noong Mayo ay dinismiss ng isang korte sa Barcelona ang apela mula sa mang-aawit na i-drop na ang charges.
Si Shakira ay pinangalanan sa isa sa itinuturing na “largest ever leaks of financial documents” noong October 2021, na kilala sa tawag na “Pandora Papers,” sa kalipunan ng public figures na nasangkot sa “offshore assets.”
Sa pamamagitan ng kaniyang pinaghalong Latin at Arabic rhythms at rock influence, ang three-time Grammy winner na si Shakira ay nagkaroon ng major global hits sa pamamagitan ng mga awiting gaya ng “Hips don’t Lie”, “Whenever, Wherever” at “Waka Waka,” na naging official song ng 2010 World Cup.
© Agence France-Presse