Shiela Guo sumalang sa pagdinig ng Bureau of Immigration kaugnay sa deportation case laban sa kaniya
Personal na humarap si Sheila Guo, ang sinasabing kapatid umano ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, sa ipinatawag na pagdinig ng Board of Special Inquiry ng Bureau of Immigration.
Si Sheila ay nahaharap sa misrepresentation case sa BI dahil sa pagpapanggap umanong Pilipino.
Matatandaan na nang maaresto ng mga awtoridad sa Indonesia, bukod sa Philippines passport ay may nakuha ring Chinese passport sa kaniya na ang nakalagay na pangalan ay Zhang Mier.
Sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, si Shiela at Chinese na si Zhang Mier ay iisang tao lamang.
Sa pagdinig sa BI, ipinakita iyon kay Atty. Gilbert Repizo, chairman ng Board of Special Inquiry, at personal niyang pinaharap si Sheila dahil may mga gusto siyang malinawan sa kaso.
Sa pagdinig ay pinatayo ni Repizo si Sheila sa harap katabi ng malaking screen kung saan ipinapakita ang dalawang passport ni Sheila para makita ang features nito at makumpirma sa larawan sa pasaporte.
Inalam din ng board kung may mga kinakaharap na kaso si Sheila sa labas ng BI.
Ayon sa abogado ni Sheila, may kaso ito sa Pasay RTC dahil sa disobedience sa summon ng kamara at senado, at may hiwalay na ring kaso sa paglabag sa New Philippines Passport Law.
May nakapending rin na reklamo sa kaniya sa Department of Justice dahil sa Anti-Money Laundering.
Madelyn Villar – Moratillo