Show ng Hong Kong boy band itinigil matapos tamaan ng nahulog na screen ang kanilang dancers
Dalawang Hong Kong dancers ang nasaktan makaraang tamaan ng nahulog na screen, sa isang concert noong Huwebes ng pinakasikat na boy band doon na Mirror.
Kumalat ang footage ng insidente kung saan makikita ang isang grupo ng mga nakaputing dancers habang nagpe-perform sa stage ng Hong Kong Coliseum, nang bumagsak ang isang higanteng overhead video screen at tumama sa isang lalaki.
Pagkatapos ay tumumba ito sa isa pa, bago nagtakbuhan ang iba pang performers para tumulong.
Bunsod nito ay umakyat sa entablado ang manager ng Mirror na si Ahfa Wong para humingi ng dispensa at hiniling sa mga manonood na umuwi na.
Dalawang lalaking dancers ang dinala sa ospital habang may malay pa ang mga ito, pasado alas-10:30 ng gabi ng concert.
Ayon sa report ng Hong Kong media, humigit-kumulang maghahatinggabi, nang sabihin ng Queen Elizabeth Hospital na isa sa dalawang lalaki na nagtamo ng neck injury ang nasa malubhang kalagayan, habang ang isa pa ay nasa stable nang kondisyon matapos magtamo ng head injury.
Sa isang late-night statement, ay ipinahayag ng Secretary for Culture, Sports and Toursm na si Kevin Yeung, na ipinahinto muna ng Hong Kong government ang mga konsiyerto ng Mirror hanggang mapatunayng ligtas na ang istraktura ng kanilang stage.
Sinabi naman ng Hong Kong leader na si John Lee, na nabigla siya sa insidente at ipinag-utos ang isang malawak na imbestigasyon upang i-assess ang safety requirements ng mga katulad na palabas “para matiyak ang kaligtasan ng mga performer, ng crew at ng publiko.”
Sa nakalipas na taon, ang Mirror ay naging pinakasikat na Cantonese pop act at kinilala sa pagpapasigla sa lokal music scene ng Hong Kong.
Ang latest 12-piece concert series, na orihinal na tatakbo mula July 25 hanggang August 6 sa prestihiyosong Coliseum, ay lubhang inabangan ng fans kaya’t ang mga tiket ay mabilis na nabenta.
Ngunit ang shows ay napuno ng mga pagkakamaling teknikal simula nang mag-umpisa ito noong Lunes, na sanhi para mag-alala ang fans kung sila ba ay ligtas. Higit sampung libo ang lumagda sa isang petisyon na humihimok sa mga organiser na pangalagaan nang mabuti ang mga performer.
Noon namang Martes ng gabi, isang miyembro ng Mirror na si Frankie Chan, ang nahulog nang may isang metro sa gilid ng stage, bagama’t kalaunan ay sinabi nito sa social media na nagkapasa lamang ang kaliwa niyang braso ayon sa South China Morning Post.
Bago pa ang aksidente noong Huwebes, ay kinontak na ng government officials ang concert organisers tungkol sa “stage incidents” at hiningi na resolbahin ang mga ito.
Humingi naman ang paumanhin ang concert organisers na Music Nation at MakerVille, at sinabing masusi nilang iimbestigahan ang pangyayari.
Ayon sa organisers . . . “We are deeply sorry about the accident and are very concerned about the situation of the two people injured,” at sinabi pang tutulungan nila ang mga nasaktan.
© Agence France-Presse