Associate Justice Teresita Leonardo de Castro, itinalaga bilang bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema
Nakapili na si Pangulong Duterte ng bagong Chief Justice ng Korte Suprema.
Kinumpirma ni Justice Secretary at JBC ex officio member Menardo Guevarra na si Justice Teresita Leonardo- De Castro ang bagong Punong Mahistrado.
Si De Castro ang kauna- unahang babaeng Chief Justice at ika-24 na Punong Mahistrado matapos mapatalsik at mapawalang-bisa ang pagkakatalaga kay Atty Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto dahil sa ineligibility.
Mahigit 40 taon na sa gobyerno si De Castro kung saan nagsimula siya bilang law clerk sa Office of the Clerk of Court ng Korte Suprema noong 1973 hanggang 1978 at pagkatapos naman ay nanungkulan bilang State Counsel sa DOJ hanggang 1997.
Noong 1997 naman ay hinirang si De Castro ni dating Pangulong Fidel V. Ramos bilang Associate Justice ng Sandiganbayan at kalaunan ay itinalaga rin bilang Presiding Justice ng anti-graft court.
Pinamunuan ni De Castro ang Special Division ng Sandiganbayan na nag-convict kay dating Pangulong Erap Estrada sa kasong plunder.
Naging presidente rin si De Castro ng Philippine Women Judges Association at International Women Judges Association.
Tumanggap din si De Castro ng iba-ibang gawad at pagkilala sa kanyang ambag sa hudikatura.
Mahigit isang buwan lang na mauupo bilang Chief Justice si De Castro dahil magreretiro na ito sa Oktubre.
Pero una nang sinabi ni De Castro sa public interview ng JBC na bagamat maikling panahon lang siya manunungkulan bilang Punong Mahistrado sakaling mapili siya ay marami na siyang mga proyekto at programa na nasimulan sa Korte Suprema na magtutuluy-tuloy kahit bumaba na siya sa pwesto.
Tinawag naman ni Guevarra na “fitting finale” sa kahanga-hangang karera ni De Castro sa parehong DOJ at hudikatura ang pagkakatalaga dito bilang Punong Mahistrado
Ayon kay Guevarra, sa Martes nakatakdang ilabas ng Palasyo ang formal appointment paper ni De Castro bilang Punong Mahistrado.
Ulat ni Moira Encina
Please follow and like us: