SIM Card Registration Bill lusot na sa second reading sa Kamara
Pasado na sa ikalawang pagbasa ang House Bill no. 14 o panukalang SIM Card Registration na iniakda mismo ni House Speaker Martin Romualdez.
Layon nito na mapigil ang iba’t ibang krimen at iligal na aktibidad gamit ang mobile phone sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa prepaid at postpaid SIM card.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat Public Telecommunications Entity o PTE maging ang authorized seller ay oobligahin ang end user o SIM card user, Pilipino man o Foreigner, na sagutan ang form na inisyu ng PTE kalakip ang pagpapakita ng valid identification card at ang impormasyon ay iingatan ng National Telecommunications Commission o NTC.
Anumang impormasyon sa registration document ay ituturing na confidential maliban na lamang kung pahintulutan ng subscriber sa pamamagitan ng isang kasulatan.
Kailangan ding ilabas ang impormasyon kung ipag-uutos ng korte o law enforcement na gagamitin para sa imbestigasyon.
Ang SIM cards na naibenta o inisyu na bago pa maging epektibo ang batas ay oobligahin pa rin na i-rehistro.
Oras na maisabatas, papatawan ng P300,000 hanggang P1 million na multa kapag PTE ang lumabag habang suspensyon sa operasyon at multang hanggang P50,000 kung ang violator ay isang authorized seller.
Kung isang opisyal o empleyado ng implementing agency ang lalabag ay mahaharap ito sa dismissal sa serbisyo at multa bukod pa sa posibleng kasong criminal, sibil at administratibo.
Sa kasalukuyan, tanging ang SIM cards ng mga postpaid mobile o cellular phone subscriptions ang inoobliga na magparehistro.
Vic Somintac