Sin Tax Bill lusot na sa Bicam….ipinasang batas posibleng mapalagdaan sa Pangulo sa susunod na linggo
Simula sa susunod na taon, tataas na naman ang presyo ng mga alcoholic drinks at mga heated tobacco products gaya ng Vape.
It’y matapos ratipikahan ng Kamara at Senado ang Sin Tax bill na inaprubahan ng Bicameral conference committee.
Hindi nasunod ang bersyon ng Senado na mas mataas o bersyon ng Kamara na mas mababang buwis sa halip ay bumalangkas ang Bicam ng mas mababang Tax rates.
Sa Bicam report, ang mga fermented products gaya ng beer, papatawan na ng dagdag na 35 pesos kada litro na tataas pa sa susunod na limang taon.
42 pesos naman sa kada litro ang dagdag na buwis sa mga Distilled products na tataas ng 66 pesos paglipas ng limang taon bukod pa sa Advalorem tax.
25 pesos naman ang ipapataw na dagdag sa mga E-cigarettes kabilang na ang vape na aabot sa 32.50 sa susunod na limang taon.
Sa computation ng Kongreso, aabot sa 24.9 billion pesos ang makokolektang dagdag na buwis sa unang taong implementasyon ng Sin Tax.
Bilang safeguards, nakapaloob sa batas na hindi na maaaring bentahan ng sigarilyo o vape ang mga kabataang wala pang 21 anyos.
Tiniyak naman ni Congressman Joey Salceda na kasama sa inaprubahan ng Bicam ang ipinasok na amyenda ni Senador Imee Marcos na ma-exempt na sa VAT ang mga gamot sa Diabetes, hypertension at Cholesterol.
Ito’y para direktang mapakinabangan ng publiko ang Sin Tax na planong ilaan sa Universal Health care program ng gobyerno.
Dismayado naman si Senador Pia Cayetano dhail hindi nasunod ang bersyon ng Senado na mas mataas na target na 47.9 billion pesos.
Hindi aniya sasapat ang nasbaing buwis para tustusan ang mga proyekto ng isang developing country gaya ng Pilipinas pero wala siyang magagawa dahil ito ang desisyon ng mayorya ng mga mambabatas.
Sa susunod na linggo, inaasahang maisusumite na ang panukala para sa lagda ng Pangulo
Ulat ni Meanne Corvera