Singapore nagbabala na mas maraming bata ang tinatamaan ng bagong virus strain
SINGAPORE, Singapore (AFP) – Simula sa Miyerkoles ay ipasasara muna ng Singapore ang mga paaralan, habang nagbabala naman ang mga awtoridad na mas maraming bata na ang tinatamaan ng bagong coronavirus strain gaya ng unang na-detect sa India.
Hinigpitan na ng gobyerno ang restriksyon, kasunod ng kamakailan ay pagtaas sa local transmissions makaraan ang ilang buwang halos ay zero-cases.
Sa isang virtual news conference nitong Linggo, inanunsiyo ng mga awtoridad na lilipat na sa full home-based learning simula sa Miyerkoles, ang primary at secondary schools, maging ang junior colleges hanggang sa katapusan ng school term sa May 28.
Ilang oras bago ang news conference, kinumpirma ng Singapore ang 38 locally transmitted virus cases, pinakamataas na daily count sa loob ng walong buwan.
Ilan sa mga kaso ay kinasasangkutan ng mga bata na may kaugnayan sa isang cluster sa isang tuition center.
Binanggit ni Health Minister Ong Ye Kung sa naturang news conference, ang naging usapan nila ng director ng Medical Services Ministry na si Kenneth Mak, na lumilitaw na ang B.1.617 strain ay mas nakaaapekto sa mga bata.
Ang nasabing strain ay unang na-detect sa India.
Ayon kay Education Minister Chan Chun Sing: “Some of these mutations are much more virulent and they seem to attack the younger children. This is an area of concern for all of us.”
Gayunman, idinagdag niya na wala sa mga batang tinamaan ng nabanggit na strain ang malubha ang sakit.
Sa kaniyang social media post ay sinabi naman ni Chan, na bumubuo na ng plano ang gobyerno para mabakunahan ang mga estudyanteng edad 16.
Ang Singapore ay tumulad na rin sa Taiwan na magsasara ng mga paaralan, para mapigilan ang paglaki ng bilang ng infections.
Ngayong Lunes ay inanunsiyo ng Taipei at New Taipei City, na sususpendihin na ang mga klase simula bukas, Martes hanggang sa May 28.
@ Agence France-Presse