Singer na si Aaron Carter, pumanaw na sa edad na 34
Pumanaw na sa edad na 34 si Aaron Carter, ang American singer na sumikat sa pamamagitan ng kaniyang album na “Aaron’s Party (Come Get It).”
Ayon sa report, ang kapatid ng Backstreet Boy singer na si Nick Carter ay natagpuang patay sa bathtub sa kaniyang bahay sa Lancaster, California.
Sinabi ng isang police spokesperson, na rumesponde ang mga pulis sa bahay ni Carter kung saan natagpuan nila ang bangkay ng isang tao, ngunit hindi nila agad isinapubliko ang pagkakalinlan dito.
Hindi rin agad rumesponde sa mga katanungan ang manager ni Carter.
Ang singer na isinilang noong December 7, 1987 sa Tampa, Florida ay nagsimulang mag-perform sa edad na pito, at inilabas naman ang una niyang album sa edad na siyam noong 1997.
Ang kaniyang “Aaron’s Party (Come Get It)” album ay bumenta ng tatlong milyong kopya, sanhi para magkaroon siya ng “teen heartthrob” status.
Naging regular siya sa preteen show na Nickelodeon at maging sa mga show ng Disney, kabilang na ang paglabas niya sa popular na “Lizzie McGuire.”
Si Carter ay nag-tour kasama ng boy band na The Backstreet Boys kung saan isa sa miyembro ang kaniyang kapatid. Nag-tour na rin siya kasama si Britney Spears, habang ang sumunod niyang album na “Oh Aaron,” ay umani ng platinum record.
Habang nagkakaedad ay unti-unting lumamlam ang bituin ni Carter, subalit nakikita pa rin siya ng publiko kung saan lumabas siya sa ilang bilang ng reality shows at off-Broadway productions, at nag-release rin ng ilang awitin online.
Noong 2011, nabunyag na si Carter ay ipinasok sa isang treatment facility, at nang siya ay lumabas ay sinimulan niya ang mga one-off show, at kalaunan ay isang Canadian tour. Muli siyang nag-release ng album noong 2018.
Noon namang 2013 ay nag-file siya ng bankruptcy petition kaugnay ng milyun-milyong utang na karamihan ay tax-related. Nasangkot din siya sa ilang kontrobersiya sa batas kaugnay ng possession charges at reckless driving.
Muli siyang napasok sa treatment center dahil sa paggamit ng prescription drug na para sa mga may anxiety at sleeping problems, at napaulat na nagkaroon siya ng improvement noong 2018.
Sa isang panayam sa mga unang bahagi ng 2022, ay sinabi ni Carter, “I am not how some people try to paint me. If somebody wants to call me a train wreck, well I’ve been a train that’s been wrecked multiple times and derailed by many different things.”
© Agence France-Presse