Sinovac anti-Covid-19 vaccine ng China, hindi ipagagamit sa mga Medical frontliners kahit binigyan na ng FDA ng EUA
Matapos makumpleto ang mga documentary requirements ay binigyan na ng Food and Drug Administration o FDA ng Emergency Use Authorization o EUA ang Sinovac anti COVID 19 vaccine na gawa ng China.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tatlong araw ang hihintayin matapos mabigyan ng EUA ang Sinovac ay maipadadala na sa Pilipinas.
Ayon kay Roque February 23 sana inaasahang darating sa bansa ang 600 thousand doses ng Sinovac anti COVID 19 vaccine na donasyon ng China subalit naantala ito dahil sa isyu ng EUA.
Inihayag ni Roque na magkakaroon ng pagbabago sa Order of Priority ng mga tatanggap ng anti COVID-19 vaccine dahil ang Sinovac ay hindi advisable na gamitin ng mga medical frontliners dahil ito ay mayroong lamang 50.4% efficacy rate.
Dahil dito, magpupulong ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) para baguhin ang Order of Priority sa paggamit ng Sinovac kung saan ang 500,000 doses ay ibibigay sa mga Economic Frontliners o mga nagtatrabaho at ang 100,000 doses ay para sa mga sundalo.
Itinanggi naman ni Roque na mababang klaseng bakuna ang Sinovac dahil ang 50% efficacy nito ay aprubado ng World Health Organization (WHO).
Vic Somintac