Sitwasyon ng terorismo sa bansa, nais ng SC na ipaliwanag ng gobyerno
Ipinapadetalye ng Korte Suprema sa Office of the Solicitor General (OSG) na kumakatawan sa gobyerno sa Anti- Terrorism law petitions ang kalagayan ng terorismo sa bansa.
Sa notice na inisyu ng Supreme Court En Banc, naglatag ito ng mga karagdagang katanungan sa panig ng respondents sa Anti- Terror case na kailangang sagutin nito sa kanilang isusumiteng memoranda.
Isa sa gustong ilahad ng Korte Suprema ng OSG ay ang ebolusyon ng terorismo sa Pilipinas.
Kabilang din sa pinapatukoy ng SC ay ang mga partikular na insidente ng terorismo sa Pilipinas at sa ibang bansa sa nakalipas na 10 taon at ang epekto nito sa iba’t ibang sektor sa bansa.
Nais din ng Korte Suprema na ipaliwanag ng gobyerno ang pagkakaiba ng rebelyon at terorismo.
Isa rin sa mga pinapatalakay ng SC sa respondents partikular sa National Security Adviser ay kung ano ang naging karanasan ng bansa sa terorismo kaya ipinawalang-bisa ang Human Security Act at pinalitan ito ng Anti- Terror Act.
Gayundin, ang mga pagkukulang at pagkakamali sa Human Security law na itinatama at pinupunan ngayon sa Anti Terror law.
Bukod sa terrorism situation, ilan pa sa mga isyu na pinabubusisi ng mga mahistrado sa respondents sa kanilang memoranda ay ang depenisyon ng terorismo sa ilalim ng ATA, implementasyon ng batas, at ang kapangyarihan ng Anti- Terror Council na magdesignate ng terror groups.
Binigyan ng 30 araw ng Korte Suprema ang parehong petitioners at respondents para isumite ang kanilang memoranda kaugnay sa kaso ng Anti- Terror law.
Una nang tinapos ng SC ang oral arguments sa mga petisyon kontra ATA noong May 17 makaraan maisalang sa interpelasyon ang panig ng petitioners at respondents.
Moira Encina