Siyam patay matapos araruhin ng isang sasakyan ang siyam na pedestrians sa Seoul
Siyam katao ang namatay at apat na iba pa ang nasaktan, nang araruhin ng isang sasakyan ang mga pedestiran malapit sa Seoul city hall.
Anim ang agad na namatay, habang ang tatlo ay inanunsiyong namatay matapos isugod sa ospital, ayon sa isang bumbero na si Kim Chun-soo.
Sa ulat naman ng Yonhap news agency ng South Korea, binangga ng sasakyan na minamaneho ng isang 68-anyos na driver ang mga pedestrian na naghihintay sa isang stoplight.
Ayon sa Yonhap, nagmamaneho ito sa maling direksiyon at tumama sa dalawa pang sasakyan bago inararo ang mga pedestrian.
Sinabi ni Kim Suk-hwan, safety and transport director ng Jung-gu district office, na isang lalaki ang idinitini ng mga pulis kaugnay ng insidente.
Ayon kay Kim, aalamin ng mga imbestigador kung sangkot ang droga o alcohol at maging ang ‘accidental acceleration’ sa insidente.
Samantala, inatasan ni Seoul Mayor Oh Se-hoon ang mga opisyal na masusing alamin ang sanhi ng pangyayari na kaniyang inilarawan bilang isang “napakalungkot na aksidente.”