Siyam patay sa sunog sa golf ball factory sa Taiwan
Hindi bababa sa siyam katao ang namatay sa nangyaring sunog sa isang golf ball factory sa southern Taiwan, kabilang ang apat na bumbero na namatay sa pagsabog.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahigit 100 katao rin ang nasaktan na karamihan ay mga manggagawa sa naturang pabrika na nasa Pingtung county.
Isa katao naman ang naiulat na nawawala, habang patuloy ang pagsusuri upang maberipika ang pagkakakilanlan sa ilang bahagi ng katawan ng taong natagpuan sa pinangyarihan ng sunog.
Samantala, binisita ni Taiwanese President Tsai Ing-wen at ng iba pang matataas na mga opisyal ang pinangyarihan ng sunog, at nagpaabot na rin ng pakikiramay sa kaanak at pamilya ng mga biktima at nangakong iimbestigahan ang sanhi nito.
Ayon sa isang opisyal ng Pingtung Fire Department, ang chemical peroxide na nakaimbak sa loob ng pabrika ang maaaring sanhi ng isang malaki at ilang maliliit na pagsabog.
Ilang tao ang na-trap sa loob matapos ang pagsabog, na dahilan upang gumuho ang bubong ng isang bahagi ng pabrika.