SJDM Bulacan, isinailalim na sa MGCQ simula Oktubre 1
Isinailalim na sa Modified General Community Quarantine ( MGCQ ) ang San Jose Del Monte, Bulacan simula ngayong araw. Sa ilalim ng MGCQ, naglabas ng ilang panuntunan ang SJDM Local Government para sa mga mamamayan nito tulad ng paglimita sa paglabas sa kani-kanilang tahanan. Ang pinapayagan lamang ay ang may quarantine pass na bibili ng mga pangunahin o mahahalagang mga bagay at serbisyo, mga papasok sa trabaho sa mga industriya na pinahintulutan nang magbukas at makadalo sa mga pinapayagang aktibidad.
Bawal pa ring lumabas ng bahay ang mga sumusunod :
- Menor de edad ( 21 taon pababa )
- Senior citizen ( 60 taon pataas )
- Mga indibiduwal na may Immunodeficiency, comorbidities at may panganib sa kalusugan
- Buntis
Ito ay maliban na lamang kung kinakailangang bumili ng pangunahing pangangailangan o serbisyo o kaya’y kawani ng opisina o industriya na pinahihintulutan ang operasyon.
Gayunpaman, kinakailangan pa rin na sumunod sa ipinatutupad na minimum health standards tulad ng wastong paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield, pagsunod sa physical distancing.
Pinapayagan naman ang tanggapan ng Pamahalaan Lungsod na mag-full operational o magpatupad ng Alternative Work Arrangement alinsunod sa Civil Service Commission (CSC ).
Inaatasan na ipatupad ang Alternative Work Arrangement para sa mga kawani na:
Senior Citizens, mga indibiduwal na may Immunodeficiency, comorbidities, at iba pang panganib sa kalusugan at buntis
Pinahihintulutan na rin ang mga non-contact sports at mga ehersisyo sa loob at labas ng bahay tulad ng walking, jogging, running, biking, golf, swimming, tennis, badminton, equestrian, range shooting at skateboarding. Ngunit kinakailangan pa ring sumunod sa health and safety protocols habang ipinagbabawal rin ang hiraman ng mga gamit o sports equipment.
Pinapayagan na rin ang mga mass gathering o pagtitipon ngunit limitado lamang sa 50% capacity ng lugar na pagdarausan.
Maaari na rin magbalik-operasyon ang mga pampublikong transportasyon alinsunod sa alituntunin ng Department of Transportation (DOTr) pero mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield, pagsunod sa physical distancing o isang metrong distansya sa pagitan ng bawat pasahero.
Lahat ng publiko at pribadong construction projects ay pinapayagan na rin alinsunod sa panuntunan na itinatakda ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, 15 panibagong confirmed COVID-19 cases ang muling naitala sa lungsod ng SJDM mual sa mga Barangay ng Grace Ville, Fatima I, Poblacion I, Sapangpalay Proper, Gaya-gaya, San Manuel, Sto Cristo, Tungkong Mangga, San Martin at Barangay Kaypian.
Sa kabuuan , mayroong 1,279 na ang confirmed cases sa lungsod, 1,008 dito ay mula sa District 1 at 271 naman ay mula sa District 2.
Samantala 4 naman ang naitalang panibagong recoveries o mga gumaling na at sila ay mula sa barangay Kaypian. Kaya ang total recoveries na naitala sa lungsod ay nasa 1,013 na, 803 dito ay mula sa District 1 at 210 naman ay mula sa District 2.
Sa kasalukuyan ay may 204 pang mga active cases sa lungsod. 157 dito ay mula sa District 1 at 47 naman sa District 2. Ang bilang naman ng mga namatay sa COVID-19 ay 62, 48 ay mula sa District 1 at 14 naman sa District 2.
Cez Rodil