Skyway muli nang bubuksan para sa mga bus at delivery trucks
Inanunsiyo ng San Miguel Corporation (SMC), na papayagan nang muling dumaan sa elevated Skyway ang public utility buses, closed vans at delivery trucks, simula sa Abril a-uno.
Ayon sa SMC subsidiary Skyway O&M Corp., lahat ng Class 2 vehicles na lampas sa pitong talampakan ang taas at may valid Autosweep RFID stickers, ay puwede nang dumaan sa Skyway sa susunod na buwan, matapos makumpleto ang major construction works.
Una nang ipinagbawal sa mga bus at delivery trucks na dumaan sa Skyway para sa kadahilanang pangkaligtasan, dahil ang konstruksyon sa South Luzon Expressway (SLEX) elevated extension sa Muntinlupa ay mangangailangan ng paggamit sa steel access ramp na nasa Alabang viaduct.
Ang steel ramp, na humigit-kumulang dalawang taon nang ginagamit ay para lamang sa magagaang na mga sasakyan.
Dahil inalis na ang Covid restrictions, sinabi ng SMC na papayagan nang dumaan ang mga bus sa Skyway elevated sections mula Alabang hanggang Bicutan (Stage 2), Bicutan hanggang Buendia (Stage 1) at Buendia hanggang Balintawak (Stage 3).
Maaari na ring dumaan ang mga bus at closed vans sa bagong SLEX elevated extension at sa NAIA Expressway.
Ayon kay SMC president Ramon Ang . . . “With the reopening of the Skyway to passenger buses and select transport trucks, we are hopeful that many of our countrymen from both north and south can benefit from the convenience provided by the Skyway system. This is an option for public transport services and commuters, who would like to have a faster, more direct or even point-to-point access to their destinations. This will also help decongest public roads, given that we are now back to pre-pandemic levels of traffic.”
Sinabi ng SMC na magpapatupad sila ng mahigpit na mga tuntunin para mapanitili ang maayos na daloy ng trapiko, at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.
Mahigpit na ipatutupad ang 60 kilometers per hour speed limit, at maglalaan din ng linya para sa Class 2 vehicles para maiwasan ang mahabang pila ng mga sasakyan sa toll plazas.
Ayon pa sa SMC, tanging ang mga bus at closed vans na may sapat na Autosweep RFID balance ang puwedeng dumaan sa Skyway. Ang mga sasakyang walang sapat na load ay inaatasang gamitin ang at-grade section.
Samantala, ang modified four o six-wheelers at closed delivery vans ay hindi papayagang dumaan sa Skyway upang maiwasan ang mga hindi inaasahang aksidente.