Smuggled Sugar ibebenta ng SRA sa Kadiwa simula sa Abril
Ikinu-konsidera ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta ang mga nakumpiskang puslit na asukal sa Kadiwa stalls simula sa Abril.
Sinabi ni SRA board member Pablo Luis Azcona na may approval na para sa donasyon sa Kadiwa ang nahuling smuggled sugar.
Noong nakaraang linggo pa aniya pinag-uusapan ang dokumentasyon at legalidad para maibenta nang agaran ang kargamento.
Sa pasimula ay 4,000 metriko toneladang asukal ang ipagbibili simula sa Abril.
Hindi naman aniya magiging problema ang phytosanitary permits dahil lahat ng sugar products, legal man o nakumpiska, ay dumadaan sa pagsusuri para sa quality assurance.
Kamakailan, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbebenta sa Kadiwa ng mga nakumpiskang smuggled sugar.