Smuggling, hoarding, profiteering at cartel, pangunahing sanhi ng mataas na presyo ng bigas sa bansa

Courtesy: House of Representatives

Sa kabila nang pagsasabatas ng Republic Act 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ay mataas pa rin ang presyo ng bigas sa bansa.

Ito ang naging findings ng Murang Pagkain Committee o Quinta Committee ng kamara, na binubuo ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Congressman Joey Salceda, House Committee on Trade and Industry na pinamumunuan ni Congressman Ferjenel Biron, House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Congressman Mark Enverga, House Committee on Social Sevices na pinamumunuan ni Congresswoman Ria Vergara, at House Committee on Food and Security na pinamumunuan ni Congresswoman Luisa Claresma.

Sinabi ni Congressman Joey Salceda, overall chairman ng Quinta Committee, na hindi bumaba ang presyo ng bigas sa bansa sa kabila nang pagpapalabas sa Executive Order Number 62, kung saan mula sa dating 35% ay ibinaba na sa 15% ang taripa sa imported na bigas, sa halip ito ay nagagamit pa ng mga tiwaling rice trader para umangkat nang umangkat ng bigas at itatago lamang, at ang iba ay hindi agad inilalabas sa Philippine Port Authority o PPA.

Congressman Joey Salceda / Photo by Official website of Rep. Joey Salceda

Inihayag ni Salceda na batay sa record ng PPA mula pa noong September ngayong taon, ay mayroong 800 containers ang hinsi pa inilalabas ng mga rice importer sa Manila International Container Port o MICP, kahit na binigyan na ito ng release clearance ng Bureau of Customs (BOC).

Sinabi pa ng mambabatas, na inaasahang aangkat ang Pilipinas ng bigas na aabot sa limang milyong metriko tonelada, mas mataas sa projection ng US Department of Agriculture o USDA na 4.7 milyong metriko tonelada ang aangkatin ng Pilipinas ngayong taon, na ang presyo ay $600 per metric tons na maaari ring pagsamantalahan ng mga tiwaling rice importer.

Dagdag pa ni Salceda, tututukan ng Joint Committee ng kamara ang mga pangunahing rice importer dahil sa hinalang sila ang gumagawa ng price and supply speculations ng bigas sa bansa, kaya hindi bumababa ang presyo ng pangunahing butil

Iginiit naman ni Congressman Mark Enverga ng House Committee on Agriculture and Food, na kailangang mahigpit na ipatupad ang Republic Act 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kung saan ituturing na economic sabotage ang agricultural product smuggling, hoarding, profiteering at cartel.

Congressman Mark Enverga / Photo: HREP

Tiniyak din ng Quinta Committee, na papananagutin sa batas ang mga tiwaling rice trader kasama ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na nagsasabwatan kaya hindi bumababa ang presyo ng bigas, taliwas sa layunin ni Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng murang bigas na mabibili ang mga mahihirap na mamamayan para magkaroon ng food security sa bansa.

Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *