Sobra sobrang stock ng Senado ng toilet paper at iba pang gamit, natuklasan ng COA

May mga sobrang stocks ng ibat ibang mga gamit gaya ng toilet paper at maging insecticide spray ang natuklasan ng Commission on Audit sa Senado.

Sa ginawang audit ng COA, may anim na buwang stock ng toilet paper ang Senado habang ang supply ng insecticide spray ay pang dalawang taon na.

Ang dalawang item na ito ay kabilang sa pitumput tatlong items na may overstock ang mataas na kapulungan base sa yearend inventory.

Kuwestyunable ito sa COA dahil ang ideal volume ng stock ng mga items na madalas ginagamit sa mga tanggapan ay pang tatlong buwan lamang tulad ng coupon bond, toner ng printer, paper clip at pati na toilet paper.

Pero sa imbentaryo,  ang Senado ay may mahigit walong libong rolls ng bathroom tissue nang mag-umpisa ang 2016 at bumili pa ng mahigit labing dalawang libong rolyo nito bago nagtapos ang 2016.

Nang isagawa ang 2016 inventory, may sobra pang mahigit siyam na libong rolyo ng toilet paper sa stockroom ng Senado na itinuturing ng COA na sobra sobra.

Mayroon ding mahigit limang daang pressurized canisters ng insecticide,  mahigit tatlumput siyam na libong envelopes,  mahigit labing limang libong markers at mahigit pitong libong dobol A batteries.

Sa tantya ng COA,  1.403 million ang halaga ng sobrang gamit na naka stock sa Senado.

Ang labis labis na stock ng ganitong gamit ay pag-aaksaya na ng buwis ng taumbayan.

Pwede umanong maiwasan ang ganitong pag-aaksaya kung pinaplano lamang ng maayos at nagkakaroon ng periodic assessment sa imbentaryo ng mga gamit.

Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *