Softball team ng Australia, unang grupo ng mga atletang dumating sa Japan para sa Olympics
NARITA, Japan (AFP) – Dumating na sa Japan ngayong Martes ang softball team ng Australia.
Sila ang unang grupo ng mga atleta na dumating sa Japan para sa Olympics.
Ang “Aussie Spirit” squad ay lumapag sa Narita airport na nasa labas ng Tokyo kasama ang kanilang support staff, na agad na isinailalim sa coronavirus testing.
Lahat ng miyembro ng delegasyon ay nabakunahan na, subalit kailangan pa rin nilang sumailalim sa testing bago umalis ng Sydney at pagdating sa Japan, at isasailalim din sa mahigpit na restriksiyon sa buong panahon ng kanilang pananatili doon.
Ayon sa softball team ng Australia, nakahanda silang sumunod sa mga panuntunan at masaya na muli silang makapaglalaro matapos maantala dahil sa pandemya. Para sa ilan, ang Tokyo 2020 ang huling nilang “Olympic glory,” dahil ang softball ay hindi na kabilang sa 2024 Paris Olympics.
Habang naghahanda paalis sa Sydney, sinabi ng softball player na si Jade Wall . . . “We know it’s going to be a bit of a long trip over, we know we’re going to go through lots and lots of testing. But look, we’re all prepared for it, we want to do everything that we can to make sure that we’re safe when we get there and we’re safe while we’re in Japan as well.”
Mula sa airport, ang team ay didiretso sa kanilang training base sa Ota City, nasa 100 kilometro sa hilaga ng Tokyo.
Magiging mahigpit ang panuntunan, kung saan walang papayagang miyembro ng pamilya at sampung staff lamang ang kasama sa biyahe ng grupo.
Ang buong delegasyon ay magkakasama sa isang single hotel floor kung saan doon sila matutulog, kakain at magwo-work out sa gym.
Sinabi ni Softball Australia CEO David Pryles . . . “The only reason why (they) would be leaving the hotel is to go to the ballpark and back. They will be having less daily contact with the public than they would in Australia.”
Ang squad ay makikipaglaro muna sa local teams bago lumipat sa Olympic Village sa July 17.
@Agence France-Presse