SOJ Guevarra: Panukalang paglimita sa paggalaw ng mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19, hindi pa napapanahon na isulong
Maaari raw na makuwestiyon ng mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 ang panukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na paglimita sa kanilang paggalaw bilang paglabag sa equal protection clause.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nauunawaan niya ang layunin sa likod ng panukala ni Concepcion na bigyan ng higit na mobility at access ang mga bakunadong indibidwal para mapasigla ang ilang sektor ng ekonomiya.
Gayunman, inihayag ni Guevarra na bagamat mabuti ang ideya ay puwede itong makuwestiyon sa korte ng mga hindi pa bakunado pero sumusunod naman sa mga health protocols laban sa COVID na paglabag sa equal protection clause.
Para sa kalihim, ang tamang oras para isulong ang panukala ay kapag available na sa lahat ng tao saanman sa bansa ang anti-COVID vaccines at kung karamihan sa mga tao ay nakakumpleto na ng bakuna laban sa virus.
Muling hinimok kamakailan ni Concepcion ang pamahalaan na magpatupad ng restrictions sa unvaccinated individuals kasunod ng paglobo muli ng kaso ng COVID sa bansa.
Nais ni Concepcion na ang mga fully-vaccinated lamang ang payagan sa mga malls, restaurants at iba pang establisyimento para magkaroon ng safer bubbles at ilimita ang paggalaw ng mga unvaccinated para sa kanilang kapakanan.
Kumbinsido si Concepcion na epektibo hindi lamang sa pagpigil sa pagkalat ng COVID ang pagrestrict sa mga unvaccinated individuals kundi sa paghimok din sa mga tao na magpabakuna laban gaya ng naobserbahan sa ibang mga bansa.
Moira Encina