SOJ Remulla iniutos na sa NBI at PNP na isara ang mga iligal na POGO
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na ipinag-utos na ni Justice Secretary Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na isara ang halos 200 iligal na POGOs sa bansa.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano na 175 ang mga POGO sa bansa na iligal na nag-o-operate batay sa listahan na natanggap nila mula sa Philippine Amusement Gaming Corporation.
Sa ngayon aniya ay wala pang inisyal na report na isinumite ang NBI at PNP sa mga ipinasarang POGO.
Inihayag ni Clavano na inatasan na rin ni Remulla ang NBI na muling imbestigahan ang mga POGO na nag-o-operate pa rin kahit wala ng lisensya at ang POGO-related crimes.
Ayon pa kay Clavano, nais ng DOJ na madakip ang mga illegal POGO employees sa unang linggo ng Oktubre.
Target naman aniya ng DOJ na sa kalagitnaan ng Oktubre ay masimulan na ang deportasyon by batch ng 2,000 hanggang 3,000 Chinese illegal POGO employees.
Magpapatuloy aniya ito hanggang Disyembre sa pakikipag-ugnayan sa Chinese Embassy para matiyak na magiging maayos ang deportasyon.
Sa ngayon aniya ay umaabot sa 281 Chinese POGO workers ang hawak ng pamahalaan sa Pampanga at naghihintay ng deportasyon.
Moira Encina