SOJ Remulla pinangalanan ang naarestong mastermind umano sa Degamo killing
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagkakakilanlan ng isa sa mga umano’y mastermind sa Degamo killing na nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Biyernes.
Ayon kay Remulla, kinilala ang nahuling suspek na si Marvin Halaman Miranda na isang military reservist.
Sinabi ni Remulla na kung ihahalintulad sa pelikula, si Miranda ang direktor at casting director.
Aniya, si Miranda ang nag-recruit ng mga tao, kumuha ng mga armas at kasama sa mga nag-plano sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Dahil dito, naniniwala si Remulla na hindi maituturing na middleman si Miranda.
Inihayag pa ng kalihim na may malakas na koneksyon si Miranda kay Negros Oriental Congressman Arnie Teves.
Dagdag pa ni Remulla, kung si Miranda ang direktor ay si Teves naman ang executive producer.
Lumalabas aniya na si Teves ang mastermind sa pagpatay sa gobernador Inaasahan naman na isasailalim sa inquest proceedings si Miranda sa Department of Justice (DOJ) ngayong Lunes.
Moira Encina