SOJ Remulla tinawag na “alarmist” ang mga grupo na kontra sa pagtatayo ng BuCor facilities sa Masungi Georeserve
Pinasaringan ni Justice Secretary Crispin Remulla at tinawag na alarmist ang ilang grupo na bumabatikos at kumukontra sa planong konstruksyon ng pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal.
Siniguro ni Remulla na pro-environment sila at ang lupa na tanging gagamitin sa plano ay ang hindi parte ng conserved areas.
Iginiit ng kalihim na ang Masungi Georeserve ay hindi pag-aari ng iisang organisasyon kundi ito ay pamana para sa lahat ng Pilipino.
Ang pangangalaga rin aniya sa nasabing lugar ay hindi dapat angkinin ng sinuman dahil lahat ay dapat bantayan ang kalikasan.
Nakausap na rin ni Remulla si Environment Secretary Ma. Antonia Yulo- Loyzaga at nagkasundo sila na magkakaroon sila ng iisang posisyon ukol sa usapin.
Ayon pa sa kalihim, nasa exploratory stage pa lang ang naturang plano.
Isa sa nais na itayo roon ni Remulla ay ang pasilidad para sa mga kababaihan at kabataan na offenders mula sa NCR dahil sa strategic location nito.
Inihayag naman ni BuCor Acting Chief Gregorio Catapang Jr. na bukas sila na makipagdayalogo sa mga grupo na nangangasiwa sa pangangalaga ng Masungi Georeserve.
Una nang nilinaw ng BuCor na pag-aari nito ang nasa 270 ektaryang lupain sa loob ng Masungi.
Nag-inspeksyon sa lugar ang mga tauhan ng BuCor kaugnay sa balak na pagtatayo roon ng pasilidad.
Moira Encina