SolGen Jose Calida nanindigang depektibo ang notaryo sa petisyon ni de Lima sa Korte Suprema
Nanindigan ang Office of the Solicitor General na hindi nilagdaan at pinanumpaan ni Senador Leila De Lima sa harap ng notary public ang kanyang petisyon sa Korte Suprema
Sinabi ni Solicitor General Jose Calida na mayroon silang affidavit mula sa PNP Custodial Center at joint affidavit ng apat na myembro ng PNP CIDG-NCR na nagpapatunay na hindi nakaharap ni de Lima si Atty Maria Cecille Cabalo para mapanumpaan ang notaryo sa petisyon nito.
Batay sa salaysay aniya ni Supt. Arnel Apud, hepe ng PNP Custodial Center sa Camp Crame, nang dumating si De Lima sa Custodial Center noong hapon ng Pebrero 24 mayroon siyang kasamang mga office staff na kanilang hiningan na magprisinta ng identification cards at pinalagda sa log book.
Nakakatiyak aniya si Apud na walang Atty. na kasama si de Lima nang ito ay dalhin sa Custodial Center, at wala rin ang pangalan nito sa logbook.
Sa joint affidavit naman ng apat na myembro ng PNP CIDG, nakabantay sila sa aktibidad ni de Lima mula nang mai-turn over sa kanila ang Senadora ng Senate Saergeant at Arms hanggang sa ito ay ibiyahe patungo ng Kampo Crame at dalhin sa Muntinlupa RTC at ibyaheng pabalik ng Crame patungo sa kustodiya ng PNP Custodial Center.
Sa loob anila ng mga oras na iyon, hindi nila nakita na lumagda sa mga affidavit si de Lima o nanumpa ng mga dokumento sa harap ng alinmang notary public.
Dahil dito sinabi ni Calida na nagsinungaling si De Lima ng sabihin nito na personal na nagtungo sa kanya ang nasabing abogado.
Ulat ni: Moira Encina