SOLGEN kakasuhan si Sen. de Lima at abogado nito dahil sa palsipikadong petisyon sa Korte Suprema
Sasampahan ng Office of the Solicitor General ng kasong kriminal at administratibo si Senadora Leila de Lima at ang abogadong nag-notaryo sa anila’y palsipikadong petisyon nito sa Korte Suprema.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, pinag-aaralan na nila ang mga kasong ihahain laban kina de Lima at kay Atty. Maria Cecille C. Tresvelles-Cabalo, ang notary public na nag-notaryo sa petisyon ng Senadora.
Isa sa mga posibleng ikaso laban sa dalawa ay falsification at iba pang administrative cases.
Kapag napatunayan ang alegasyon ay pwede itong maging ground ng disbarment.
Dahil sa falsified anila ang lagda ng abogado ay maituturing itong unsigned pleading na paglabag sa Section 3 and 4, Rule 7 ng Revised Rules of Civil Procedure at pwedeng batayan para maibasura ang petisyon ni de Lima.
Una nang tinukoy ng OSG sa inihain nilang manifestation sa Korte Suprema na falsified ang petisyon ni de Lima dahil hindi naman talaga nito napanumpaan kay Cabalo ang petisyon.
Partikular na rito ang “Jurats” o notaryo sa pahina ng verification and certification against forum shopping at affidavit of merits sa petisyon ni de Lima.
Batay sa logbook sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame at mga salaysay ng PNP guards doon, hindi naman pumunta si Cabalo sa detention cell ni de Lima noong Pebrero 24 kung kailan sinasabing nilagdaan at pinanumpaan ang sa abogado ang petisyon.
Ulat ni: Moira Encina