Song catalog ibinenta ni Rod Stewart sa halagang $100 milyon
Ipinagbili ng singer na si Rod Stewart, ang rights sa kaniyang musika, na ang isa sa naging hit ay ang “Maggie May.”
Ayon sa report, nakuha ng Iconic Artists Group ni Irving Azoff ang mga interes ni Stewart sa kanyang recorded music at publishing catalog, pati na rin ang ilang karapatan sa kanyang pangalan, sa halagang halos $100 milyon.
Dumating ang balita wala pang isang linggo makaraang lumabas ang ulat tungkol sa isang ‘blockbuster deal’ sa pagbili ng Sony sa kalahati ng recording at publishing catalog rights ni Michael Jackson mula sa kaniyang estate.
Kakaunti lamang ang mga detalye sa nasabing transaksiyon, ngunit batay sa mga ulat ng Billboard at The New York Times, malamang na ito ang pinakamalaking halaga sa mga asset ng isang musician.
Ayon sa Times, banggit ang mga taong may nalalaman sa naturang ‘deal,’ ang halaga ng assets ni Jackson ay $1.2 billion o higit pa, na ayon sa Billboard ay nangangahulugan na ang Sony ay magbabayad ng hindi bababa sa $600 million para rito.
Nitong nakalipas na mga taon, ang music rights ay naging ‘hot market’ makaraang ipagbili ng mga sikat na singer na kinabibilangan nina Bob Dylan, Bruce Springsteen, Stevie Nicks at Neil Young ang kanilang catalogs.
Lumamig ng kaunti ang merkado, subalit ang mga deal na kinasasangkutan nina Stewart at Jackson ay malinaw na indikasyon na mayroon pa ring ‘demands.’
Ayon sa Wall Street Journal, ang Iconic ni Azoff ay nakalikom ng higit sa $1 bilyon sa bagong kapital upang ipuhunan sa pagbili ng mga catalog.
Ang music catalogues ay naging kaaki-akit bilang isang uri ng asset na nakikita ng mga mamumuhunan na may pangmatagalang halaga ngayong “streaming era.”
Ang mga may-ari ng publishing rights ng isang kanta ay nakatatanggap ng bayad sa iba’t ibang paraan, gaya ng radio play at streaming, album sales, at kapag ginamit ang kanta sa advertising at mga pelikula.
Saklaw ng recording rights ang reproduction at distribution.