South African variant ng Covid-19, nakapasok na sa bansa -DOH
Mayroon nang South African variant ng Covid-19 ang nakapasok sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), anim na variant ang natukoy nila sa bansa.
Sa bilang na ito, tatlo ang local cases, dalawa ang Returning Overseas Filipino at isa ang patuloy na bineberipika.
Ang 3 local cases ay mga residente ng Pasay City.
Ang dalawa rito na isang 61-anyos na babae at 39-anyos na lalaki ay aktibong kaso pa habang ang ikatlo naman na isang 40-anyos na lalaki ay nakarekober na.
Ang samples nila ay nakolekta sa pagitan ng Enero 27 at Pebrero 13, 2021.
Ang dalawa namang variant cases ay mga Returning OFWs mula sa United Arab Emirates at Qatar.
Kaugnay nito, nilinaw ng DOh na bagamat kalat na sa 48 na bansa ang nasabing vaiant ay wala pa namang ebidensya na nakapagpapalala ito ng Covid-19.
Sa ngayon, ayon sa mga eksperto, ang variant na ito ay nagpapataas pa lamang ng transmission at maaaring magkaroon ng impact sa efficacy ng bakuna.
Samantala, sinabi pa ng DOH na sa 87 na kaso na ng UK variant ang naitala sa bansa.
Kasunod ito ng natukoy ng Philippine Genome Center na bagong 30 kaso ng variant sa ginawa nilang sequencing.
Sa 30 karagdagang kaso na ito, 20 ay Returning OFWs,tatlo ang local cases habang 7 naman ang bineperipika pa.
Ang 20 Returning OFWs ay mula Middle East, Singapore at Estados Unidos na dumating sa bansa mulaEnero 20 hanggang Pebrero 16.
Labintatlo sa kanila ay Asymptomatic habang ang 7 ay nakarekober na.
Ang tatlong local cases naman ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang isa ay active case pa at naka-admit sa ospital, isa ang nakarekober at ang isa ay nasawi.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon kung may kaugnayan ang 3 bagong local cases na ito sa dating kaso ng UK variant na natukoy sa rehiyon.
Samantala, nilinaw din ng DOH na matapos nilang maberepika, dalawang samples mula sa Rgeion 7 na una nang natukoy na may N501Y at E484K mutations ang inalis na sa listahan.
Pero may bagong N501Y at E484K mutations rin silang nakita mula sa pinakahuling sequencing ng PGC.
Kaya sa ngayon ay nasa 34 pa rin ang bilang ng nasabing mutation na mayroon sa bansa.
Sa kabila ng mga mutation ng Covid-19 na natutukoy sa bansa, nilinaw naman ng DOH na pinaka-epektibo pa rin ang pagsunod sa minimum public health standards para makaiwas rito.
Madz Moratillo