South Korea nagsagawa ng military parade sa unang pagkakataon makalipas ang isang dekada
Nagsagawa ang South Korea ng una nilang military parade sa loob ng isang dekada, kung saan ipinakita ang kanilang advanced arsenal.
Ang Pyongyang ay regular na nagsasagawa ng malalaking military parades, ngunit ang mga naturang kaganapan sa Seoul ay tradisyonal na isinasaayos tuwing limang taon bilang pagdiriwang sa Armed Forces Day ng South Korea.
Ang huling parada ay noong 2013. Pagkalipas ng limang taon, pinili ng noo’y presidente na si Moon Jae-in na magdaos ng seremonya ng pagdiriwang sa halip na isang military event, alinsunod sa kanyang hakbang ng pakikipagkasundo sa North Korea.
Humigit-kumulang 4,000 troops ang nagmartsa sa central Seoul sa gitna ng ulan, habang ipinagbubunyi sila ng mga manonood kasabay ng pagwagayway sa watawat ng South Korea.
Kasama ng mga sundalo ang 170 piraso ng military equipment, kabilang ang air at sea drones, mga tangke at missiles.
Ang bilang ng tropa at piraso ng equipment na kasama sa parada ay binawasan ng mga opisyal mula sa orihinal na plano.
Kabilang sa kinansela ay ang isang flight display ng South Korean warplanes, kasama ng US-made F-35 stealth fighters, dahil sa hindi magandang lagay ng panahon.
Ang parada ay sinaksihan ni South Korean President Yoon Suk mula sa isang platform, kung saan pinalakpakan niya ang mga sundalo habang nagmamartsa.
At upang ipakita ang “matatag na pundasyon” ng alyansa ng Seoul sa Washington, humigit-kumulang sa 300 US military personnel ang lumahok din sa parada.
Ang South Korea ay lalo pang inilapit sa Estados Unidos ni Yoon, na nahalal noong isang taon at sa pamamagitan nito ay lalo pang pinaigting ng magka-alyadong bansa ang kanilang defence cooperation, na kinabibilangan ng large-scale drills, upang harangin ang lumalaking banta mula sa North Korea.
Sa naunang Armed Forces Day ceremony na ginanap sa isang air base sa timog ng Seoul, ay pinuri ni Yoon ang pagpapalawak sa US-South Korea defence ties.
Aniya, “If North Korea uses nuclear weapons, its regime will be brought to an end by an overwhelming response from the ROK-US alliance,” at inulit ang babala na una nang inilabas ng dalawang bansa sa nakalipas panahon.
Ang North Korea ay nagsagawa ng isang serye ng weapons tests ngayong taon sa kabila ng international sanctions, na kinabibilangan ng paglulunsad ng intercontinental ballistic missiles (ICBMs).
Nagsagawa rin ang Pyongyang ng tatlong military parades ngayong taon lamang na ito, kung saan ipinakita ang maraming kagamitan gaya ng mas malalaki nilang Hwasong-17 ICBMs.
Ayon kay Soo Kim ng LMI Consulting, isang dating CIA analyst, “The parade in Seoul ‘is a not-so-subtle and visually provocative gesture on the part of the South Korean government’ of telling (North Korean leader) Kim Jong Un that Seoul will not be backing down or looking for ways to reconcile.”
Soldiers stand on a pedestrian crossing before a military parade to celebrate South Korea’s 75th Armed Forces Day in Seoul on September 26, 2023. South Korea staged its first military parade in a decade on September 26, showcasing its advanced arsenal in the face of plummeting ties with nuclear-armed North Korea./ Anthony WALLACE / AFP
Ang South Korea ay isang pangunahing exporter ng mga armas ngunit ang isang matagal nang patakarang lokal ay nagbabawal sa kanila na magbenta ng mga armas sa mga bansang nasa aktibong labanan — gaya ng Ukraine.
Dahil dito kaya tinanggihan ng South Korea ang panawagan na direktang magsuplay ng mga armas sa Kyiv, kahit na kinokondena nila ang ginawang paglusob ng Russia.
Gayunman, anumang kasunduan kung saan ang North Korea ay magbebenta ng mga armas sa Russia para gamitin sa labanan, ay magtutulak sa South Korea na repasuhin ang kanilang posisyon sa Ukraine, ayon sa mga eksperto.
Nakakuha ang South Korea ng mga defense export deal na nagkakahalaga ng $17.3 bilyon noong nakaraang taon, kabilang ang isang $12.7 bilyong kasunduan sa Poland na isang miyembro ng NATO at pangunahing kaalyado ng Ukraine, para sa K9 Howitzers, K2 battle tank at higit pa.