SP Juan Miguel Zubiri at 2 pang Senador, tinangkang kotongan ng mga nagpakilalang Gov’t. official
Tinangkang kotongan si Senate President Juan Miguel Zubiri ng isang grupo na nagpakilalang konektado sa Gobernador ng Siquijor.
Ayon kay Zubiri, ilang beses siyang tinext ng nagpakilalang Gobernador at nanghingi ng P60,000 para umano sa kanilang convention at ang pera nais umanong ipadaan ng grupo sa pamamagitan ng Gcash.
Pero batay sa pag-iimbestiga ng kaniyang tanggapan, ginawa na rin ng grupo ang kaparehong modus sa iba pang Senador tulad nina dating Senate President Vicente Sotto III at Senador Nancy Binay kaya humingi na siya ng tulong sa PNP.
Agad nagsagawa ng operasyon ang PNP matapos pumayag ang mga suspek na makipagkita sa mga staff ni Zubiri sa Castillejos, Zambales.
Sa entrapment operation ng PNP-CIDG, naaresto ang dalawa sa mga suspek na sina Bryan Ledesma, 23- anyos at Danilo Guillermo Ledesma, 46- anyos.
Nakumpiska sa kanilang ang marked money, mobile phone, sim card at isang 45 pistola.
Kinasuhan na ang mga suspek ng Robbery extortion at Usurpation of Authority.
Sinabi ni Police Colonel Hansel Marantan,Chief PNP-CIDG- NCR bukod sa mga Senador nabiktima na rin ng karapehong modus noong kampanya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice-President Sara Duterte at ilan pang negosyante.
Apila nila sa publiko, agad na ireport ang mga ganitong modus.
Ayon kay Zubiri, dahil sa pamamayagpag na naman ng mga ganitong krimen, napapanahon nang isabatas ang sim card registration.
Sa pamamagitan kasi ng pagpaparehistro ng mga sim card madaling matutukoy ang mga gumagawa ng krimen.
Tiniyak ni Zubiri na mapagtitibay ito bago matapos ang taon at hindi na mabe-veto tulad ng nangyari sa nakaraang Kongreso.
Meanne Corvera