Speaker Romualdez kumpiyansang mananatili sa liderato ng Kamara
Kumpiyansa pa rin si House Speaker Martin Romualdez na mananatili siyang speaker ng Kamara de Representante sa muling pagbubukas ng sesyon sa Hulyo.
Ito’y matapos mapanatili ng Lakas – Christian Muslim Democrat (CMD) na kaniyang pinamumunuan ang super majority kasunod ng nilagdaang alliance agreement sa limang iba pang major political party sa Kamara.
Sa pagtatapos ng first regular session ng 19th Congress o adjournment sine die kagabi, May 31, ipinagmalaki ni Romualdez ang naging accomplishments ng House of Representatives sa ilalim ng kaniyang liderato.
Pagmamalaki ni Romualdez sa 42 priority legislative agenda ng Marcos administration, naipasa ng Mababang Kapulungan ang 33 sa mga socio-economic agenda na napagkasunduan sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.
Ibinida rin nito ang nasa 8,490 panukala na naihain ng mga kongresista sa loob ng sampung buwan ng session, gayundin ang nasa 1,109 House resolutions.
Itinuturing ni Romualdez ang paglusot ng Maharlika Investment Fund (MIF) bill bilang isa sa pinakamahalagang piece of legislation na naihabol ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago ang sine die adjournment nito.
In-adopt ng Kamara ang pinagtibay ng Senado na bersyon ng panukala at isusumite sa tanggapan ng Pangulo sa Malacañang para sa ganap na pagsasabatas.
Pinasalamatan din ng Speaker ang pamunuan ng Kamara sa pangunguna nina House Majority Leader Manix Dalipe at House Minority Leader Marcelino Libanan dahil sa aktibong partisipasyon sa deliberasyon ng mga tinalakay na bills at resolutions.
Muling magbubukas para sa second regular session ang 19th Congress sa July 24, kasabay sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.
Kamakailan ay niligalig ng kontrobersya ang liderato ni Romualdez kasunod ng ugong ng destabilisasyon matapos i-demote sa pagiging Senior Deputy Speaker si dating Pangulo at Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Agad na itinanggi ni Arroyo ang alegasyon kasabay ng pagpapatibay sa kaniyang suporta para sa legislative agenda ni Pangulong Marcos at Speaker Romualdez.
Wala mang naging kumpirmasyon sa banta ng coup de etat laban sa kaniyang liderato, sinabi ni Romualdez sa isang statement na anomang alingasngas ng destabilisasyon ay dapat agad na maputol.
Kasabay ito ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na huwag magpa-apekto sa pulitika at ituloy lamang ang kanilang trabaho para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Vic Somintac/Weng dela Fuente