Special Investigation Task Group binuo ng PNP upang imbestigahan ang pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver nito

PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo
Bumuo na ng Special Investigation Task group ang Phil. National Police (PNP), na mag-iimbestiga sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Chinese at driver nito.
Kasama sa mga i-imbestigahan ang posibleng kaugnayan ng krimen sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
May mga lead na umanong sinusundan ang PNP sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Chinese at driver nito na natagpuang patay sa gilid ng isang kalsada sa Rodriguez, Rizal na may mga pasa at gasgas at senyales na ang mga ito ay sinakal.
Pangungunahan mismo ng PNP Criminal Investigation and Detection group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon sa kaso ng pagdukot at pagpatay negosyanteng Chinese na si Congyuan Guo o mas kilala bilang Anson Que at sa driver nito na si Armanie Pabillo.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, March 29 nang mapaulat na nawala ang mga biktima na huling nakita sa isang chinese restaurant sa Pasay City.

PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo
Kasama sa aalamin sa imbestigasyon kung ito’y simpleng kaso ng kidnap-for-ransom o posibleng may iba pang motibo.
Ayon sa reliable source, tatlong beses na umanong nagbayad ng ransom ang pamilya ng biktima na halos umabot sa 100 milyong piso ngunit pinatay pa rin ang mga ito.
Samantala, nagsasagawa na rin ng back tracking investigation ang mga pulis sa mga posibleng dinaanan ng mga suspek upang mabuo ang kwento.
Ayon kay Fajardo, kasama rin sa tinitingnan nila ang pagkakasangkot ng isang grupo na dati na ring nasangkot sa mga kaso ng kidnapping.
Nitong martes, natagpuan ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG), ang sasakyan ng mga biktima na inabandona sa tabing kalsada sa Barangay Bahay Toro, Project 6, Quezon City.

Courtesy: PNP-HPG
Ayon sa PNP, malaki ang maitutulong nito sa imbestigasyon upang mapagdugtong ang kwento ng pagdukot hanggang sa pagpatay sa mga biktima.
Samantala, kinumpirma rin ng PNP na inalis na sa puwesto ang hene ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na si Brig. Gen. Elmer Ragay.
Sa gitna ito nang magkakasunod na kaso ng kidnapping kabilang na ang kaso nang pagdukot noon sa isang estudyanteng Chinese sa Taguig na pinutulan ng daliri.

PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na si Brig. Gen. Elmer Ragay / Courtesy: akg.pnp.gov.ph/
Ayon kay Fajardo, hindi kontento si PNP Chief Gen.Rommel Francisco Marbil sa trabaho ni Ragay kaya minabuti niyang palitan na ito sa pwesto.
Itinalaga naman bilang bagong hepe ng AKG si Col. David Poklay.
Tiniyak din ng PNP na tututukan nila ang kaso hanggang s maaresto at mapanagot ang mga suspek.
Pinawi rin nila ang pangamba ng Chinese community matapos ang magkakasunod na kaso ng kidnapping, dahil pinaigting na ng PNP ang kanilang intelligence gathering upang mapigilan ang ganitong mga insidente.
Mar Gabriel