Special satellite registration para sa inmates, idinaos ng Comelec sa Bilibid at iba pang kulungan ng BuCor
Umarangkada na ang special satellite registration ng Commission on Elections (COMELEC) para sa persons deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prisons (NBP) at iba pang piitan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sinaksihan nina Comelec Chairperson George Erwin Garcia at ng iba pang commissioners at mga opisyal ng poll body ang voters registration sa Bilibid.
Ayon sa BuCor, kabuuang 2,084 inmates mula sa Bilibid ang inaasahang magpaparehistro.
Pinakamarami sa mga ito ay mula sa Maximum Security Compound na 1,879; 162 sa Medium Security Camp; 23 sa Minimum Security Compound; at 19 sa Reception Diagnostic Center (RDC).
Sabayang isinasagawa ang voters registration sa Leyte Regional Prison, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City at Panabo, Davao City, Zamboanga Prison and Penal Farm, Davao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, at Sablayan Prison and Penal Farm.
Nilinaw ni Garcia na ang mga bilanggo na wala pang pinal na conviction o hatol ang kuwalipikado na magparehistro para makaboto sa eleksyon.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na nagdaos ang poll body ng satellite registration sa Bilibid matapos na bawiin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) at payagan na ang mga PDL na makaboto sa parehong local at national elections.
Qualified din na makapagparehistro at makaboto ang mga PDL na wala pang isang taon na pagkakulong ang parusa at ang mga inmate na kasalukuyang nililitis pa ang kaso sa mga korte.
Moira Encina