Special stamps tampok si US Women’s Open champ Yuka Saso, inilabas ng PhilPost
Bilang pagkilala sa kauna-unahang Pilipinong golfer na nanalo sa US Women’s Open, nag-isyu ang Philippine Postal Corporation ng special postage stamps na kinatatampukan ni Yuka Saso.
Dumalo si Saso sa unveiling ng special stamps kung saan makikita ang mga winning moments niya sa golf course at larawan na hawak ang championship trophy.
Nagpasalamat si Saso sa karangalan na ibinigay sa kanya ng Post Office at ng bansa.
Aniya sobrang saya at ipinagmamalaki niya na irepresenta ang Pilipinas sa US Women’s Open.
Pinuri naman ni Postmaster General Norman Fulgencio ang dedikasyon, pagsisikap, at pagtitiyaga ni Saso at pagiging mapagkumbaba nito sa kabila ng kanyang nakamit sa larangan ng golf.
Ang mga selyo aniya ay paalala na ang pinakabatang nanalo sa nasabing golf tournament ay isang Pilipino.
Nag-imprenta ang Post Office ng 60,000 kopya ng apat na makulay na mga disenyo.
Ipagbibili ang mga selyo sa halagang P12, P14, P15, at P17.
Available na ang special stamps sa Manila Central Post Office sa Liwasang Bonifacio.
Ilan pa sa mga Pilipinong sports icons na itinampok ng Post Office ay sina Hidilyn Diaz, Robert Jaworski, Paeng Nepomuceno, Eugene Torre, at Efren “Bata” Reyes.
Moira Encina