Special Task Force Degamo aprubado ni PBBM
Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng joint at special task force sa Negros Oriental kasunod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa ilalim ng Administrative Order number 6, itinatag ang Special Task Force Degamo na inatasang pigilan ang pagkalat at paglala ng karahasan saan man sa bansa at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa Negros island.
Gayunman, binigyang-diin sa kautusan na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Abril-tres na hindi dapat mabalewala ang fundamental civil at political rights ng isang indibidwal.
Ayon sa Presidential Communications Office o PCO, pangungunahan ni Interior Secretary Benhur Abalos ang task force, habang co-chairperson naman si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, habang itinalaga namang task force commanders sina Armed Forces Chief of Staff General Andres Centino at National Bureau of Investigation o NBI Director Menardo de Lemos.
Sa ilalim ng kautusan, inatasan din ang Department of Social Welfare and Developent o DSWD na magkaloob ng emergency relief assistance sa pamilya ng mga biktima, habang magsasagawa naman ng psychological rehabilitation ang Department of Health o DOH sa mga apektadong indibidwal.
Bago pa napagtibay ang task force, nauna nang nag-deploy ang Philippine Army ng isang batalyon ng sundalo sa Negros Oriental, na tiniyak naman ng AFP na hindi militarisasyon sa lalawigan.
Weng dela Fuente