Special vaccination days, ipagpapatuloy ngayong Abril
Upang mapabilis ang vaccination drive ng pamahalaan laban sa Covid-19, itutuloy ngayong buwan ang special vaccination days.
Sinabi ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, isasagawa ito sa mga lugar na may mababa at mahinang vaccination coverage.
Ang special vaccination days ay hinango sa mga serye ng Bayanihan Bakunahan na sinimulang idaos sa bansa noong nakalipas na taon.
Dito matutukoy ang mga rehiyon, siyudad o mga probinsiya na nangangailangan ng espesyal na tulong para pataasin at pabilisin pa ang pagbabakuna kontra Covid-19.
Sabi ni Cabotaje, nananatili ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa may mababang vaccination rate na umaabot lamang sa 26% o 940,000 katao na nakakumpleto ng bakuna mula sa 3.5 milyong target population nito.
Hanggang nitong Marso 30, 2022, nasa 65.8 milyong Pilipino ang fully vaccinated na kontra Covid-19 batay sa National COVID-19 vaccination dashboard ng DOH.
Mula sa nasabing bilang, 64.3 milyon rito ay nakatanggap ng unang dose habang 12 milyon naman ang nakatanggap ng booster shot.