Sphinx statue na may smiley face at dimples, nahukay sa Egypt
Inanunsyo ng tourism and antiquities ministry, na nakahukay ang mga archaeologist sa Egypt ng isang sphinx statue “na may smiley face at dalawang dimples” malapit sa Hathor Temple, isa sa “best preserved ancient sites” sa bansa.
Ito ang pinakabago sa serye ng mga nadiskubre sa nakalipas na ilang buwan.
Ayon sa pahayag ng ministry, ang limestone artefact, na pinaniniwalaang isang naka-istilong representasyon ng isang sinaunang Romanong emperador, ay natagpuan sa loob ng two-level tomb malapit sa templo sa southern Egypt.
Kasunod ng anila’y “beautifully and accurately carved” sphinx, natagpuan naman ng mga researcher ang isang “Roman stele” na nakasulat sa “demotic at hieroglyphic” scripts.
Kapag ganap na natukoy, ang stele ay maaaring magbigay ng liwanag sa pagkakakilanlan ng nililok na ruler, na ayon sa research team ay maaaring si Emperor Claudius.
Ang Hathor Temple, humigit-kumulang 500 kilometro (310 milya) sa timog ng kabisera na Cairo, ay tahanan ng Dendera Zodiac, isang celestial map na nakadisplay sa Louvre sa Paris mula noong 1922, mahigit isang siglo matapos iyong kunin ng Frenchman na si Sebastien Louis Saulnier. palabas ng templo.
Nais ng Egypt na muli iyong mabawi.
Inilantad ng Egypt ang pangunahing archaeological discoveries nila nitong nakalipas na mga buwan, pangunahin na sa Saqqara necropolis sa timog ng Cairo gayundin sa Giza, tahanan ng nag-iisang surviving structure ng seven wonders of the ancient world.
Noong Huwebes, ay inihayag ng antiquities ministry ang pagkakatuklas sa isang nakatagong siyam na metrong daanan sa loob ng Great Pyramid of Giza, na ayon sa archaeologist na si Zahi Hawass ay maaaring daan patungo sa “aktwal na libingan” ng pharaoh na si Khufu, o Cheops.
Noong Enero, inihayag ng mga awtoridad na sa mas malayo pang timog, sa Luxor, ay natuklasan ng mga arkeologo ang isang 1,800 taong gulang nang “kumpletong residential city mula sa panahon ng mga Romano.”
Nakikita ng ilang mga eksperto na ang ganoong mga anunsyo ay mas may “political at economic weight” kaysa “scientific,” dahil ang Egypt ay umaasa sa turismo upang buhayin ang mahalaga nilang tourism industry sa gitna ng matinding krisis sa ekonomiya.
Plano ng gobyerno na makaakit ng 30 milyong mga turista kada taon hanggang sa 2028, mas mataas ng 13 milyon bago nagkaroon ng pandemya.
© Agence France-Presse