Spoelstra, isa sa Greatest Coaches ng NBA
Nakabilang ang Filipino-American na si Erik Spoelstra sa talaan ng 15 Greatest Coaches sa kasaysayan ng National Basketball Association o NBA.
Inilabas ng NBA ang talaan kaugnay ng pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo ng liga.
Si Spoelstra na head coach ng Miami Heat, ay dalawang ulit nang nagbigay ng kampeonato sa koponan.
Ito ay ang impresibong back-to-back titles noong 2012 at 2013 season.
Bukod dito ay limang ulit na ring nakapasok sa finals si Spoelstra, na ang pinakahuli ay sa 2020 NBA season.
Isa si Spoelstra sa may pinakamahabang coaching stint sa Miami Heat sa kasalukuyan. Una siyang pumasok sa koponan noong 2008.
Samantala, nangunguna sa listahan si Phil Jackson, ang itinuturing na “winningest” coach sa kasaysayan ng NBA kung saan 11 korona ang naibigay nito sa Chicago Bulls at Los Angeles Lakers.
Kasama rin sa talaan sina Gregg Popovich ng San Antonio Spurs, Steve Kerr ng Golden State Warriors at Doc Rivers ng Philadelphia 76ers na lahat ay aktibo pa ngayon sa NBA.
Pangalawa naman sa listahan si Red Auerback, na may anim na titulo sa Boston Celtics.
Kabilang din sa NBA 15 Greatest Coaches sina Pat Riley, Larry Brown, Chuck Daly, Red Holzman, KC Jones, Don Nelson, Jack Ramsay, Jerry Sloan, at Lenny Wilkens.