Spurs play-off sa unang season, target ni Wembanyama
Sinabi ng French basketball superstar na si Victor Wembanyama, na umaasa siyang pangunahan ang San Antonio Spurs pabalik sa NBA playoffs habang pinaghahandaan ang una niyang season sa liga.
Si Wembanyama, na itinuturing na isang generational talent na napili ng Spurs noong Hunyo na No.1 pick sa NBA Draft, ay nangangarap na magkaroon ng “instant impact” sa bago niyang koponan.
Nang tanungin kung ano ang kaniyang goal para sa kaniyang unang season sa Texas, sinabi ng 19-anyos, “To qualify for the playoffs.”
Huling naglaro ang San Antonio sa postseason sa 2018-2019 campaign, na natalo sa first round laban sa Denver Nuggets.
Ngunit ang pagdating ni Wembanyama ay nagpataas sa pag-asa ng fans ng San Antonio, kung saan inaasahang magdadala siya ng mabilisang mga pagbabago sa kapalaran ng koponan.
Sa kaniyang panayam sa mga mamamahayag sa isang online press conference para sa preview ng dokumentaryong “Un1que” sa Canal+ French network, sinabi niya na hindi siya nakararamdan ng pressure sa kaniyang pagdating sa NBA.
Aniya, “I don’t feel any pressure. These are stages that are part of the life of a basketball player. When you have such high goals it’s normal that there is so much attention, questions, invasive people.”
Bagama’t umaasa si Wembanyama na mabilis na makababalik sa playoffs, sinabi niya na handa siyang maghintay upang makamit ang matagal na niyang pangarap na manalo ng isang NBA championship.
Sinabi niya, “For the future, the best thing is not knowing what awaits us. It’s very hard to win a (championship) ring. But I’m patient, I know it will happen at one point or another.”
Inaasahan ang regular season debut ni Wembanyama para sa San Antonio sa October 25, sa paghaharap ng Spurs at Dallas Mavericks sa una nilang laro sa 2023-2024 campaign.