‘Squid Game’ star napatunayang guilty sa sexual misconduct
Napatunayang guilty sa sexual misconduct ang South Korean “Squid Game” actor na si O Yeong-su, ayon sa isang lokal na korte matapos itong kasuhan ng pang-aabuso sa isang babae noong 2017.
Ang 79-anyos ang naging unang South Korean na nanalo ng isang Golden Globe Award for best supporting actor in a series noong 2022, para sa kaniyang pagganap sa mega-hit Netflix dystopian thriller.
Ayon sa Seongnam Branch ng Suwon District Court, “The actor was sentenced to eight months in prison, suspended for two years. He has been also ordered to complete 40 hours of classes on sexual violence.”
Sinabi naman ni judge Jeong Yeon-ju, “The victim’s own records of the assault and her claims are ‘consistent’ and appear to be statements that cannot be made without actually experiencing them.”
Si O ay kinasuhan noong 2022 nang walang detensyon sa reklamong pang-aabusong seksuwal sa isang babae, na hindi pinangalanan, sa dalawang pagkakataon.
Ang mga insidente ay nangyari nang si O ay namamalagi pa sa isang rural area para sa isang theatre performance noong 2017, sa isang walking path at sa harap ng bahay ng biktima, ayon sa Suwon District Court.
Ang “Squid Game,” isang serye na naglalarawan sa isang madilim na mundo kung saan ang mga marginalized na indibidwal ay napipilitang makipagkumpetensya sa nakamamatay na bersyon ng mga tradisyonal na laro ng mga bata, ay mabilis na naging tanyag sa Netflix.
Wala pang apat na linggo mula nang ipalabas noong 2021, ay nagkaroon na ito agad ng 111 million viewers.
Ang tagumpay ng palabas ay nagpalaki sa lumalawak nang impluwensya ng South Korea sa pandaigdigang popular na kultura, kasunod ng pandaigdigang katanyagan na nakamit ng mga tulad ng K-pop band na BTS at ng Oscar-winning na pelikulang “Parasite.”
Marami na ring personalidad sa film industry ng South Korea, kabilang ang namayapa nang filmmaker na si Kim Ki-duk at ang aktor na si Cho Jae-hyun, ang naharap sa mga alegasyon ng sexual assault.