State of emergency idineklara sa Vermont bunsod ng pagbahang dulot ng malakas na mga pag-ulan
Nagdeklara ng isang state of emergency si US President Joe Biden, sa hilagang-silangan ng estado ng Vermont dahil sa malakas na pag-ulan na nagresulta na sa mga pagbaha.
Ang hakbang ay ginawa makaraang magbabala ang mga opisyal na ang isang dam na malapit sa Montpelier na kabisera ng estado, ay halos umabot na sa kapasidad nito at malapit nang umapaw patungo sa isang ilog.
Sinabi ni Montpelier city manager William Fraser, “This has never happened since the dam was built so there is no precedent for potential damage,” na ang tinutukoy ay ang Wrightsville Dam.
Wala namang agarang ulat ng anumang pagkamatay o pinsala sa estado mula sa mga pag-ulan, na sinabi ng mga opisyal ay nagpabaha sa downtown Montpelier, isang lungsod na may 8,000 katao.
Ang labis na pag-ulan na higit sa walong pulgada (20 sentimetro) sa ilang mga lugar, ayon sa National Weather Service, ay nangyari pagkatapos ng flash flood sa estado ng New York na ikinasawi ng isang babae noong Linggo.
Karamihan sa hilagang-silangan ng Estados Unidos, kabilang ang New York, New Jersey, Connecticut, Pennsylvania, Massachusetts at Vermont, ay hinampas ng ulan noong Linggo at Lunes, na naging sanhi upang hindi maraanan ang mga kalsada.
Mahigit 100 katao sa Vermont ang nailigtas mula sa mga sasakyan at tahanan nitong Martes ng tanghali, ayon sa mga opisyal, habang ang iba ay sinubukang i-airlift sa pamamagitan ng helicopter.
Ayon kay Mike Cannon, isang opisyal sa Urban Search and Rescue team ng Vermont, “We are still in a very dangerous part of this disaster. We are performing active rescues as we speak today.”
Inihalintulad naman ni Gobernador Phil Scott ang pagbaha sa Tropical Storm Irene, na pumatay ng anim na tao sa estado noong 2011.
Aniya, “The devastation and flooding we’re experiencing across Vermont is historic and catastrophic, and despite the sun coming out on Tuesday afternoon, it’s not over. We expect more rain later this week which will have nowhere to go in the oversaturated ground.”
Mahigit 600 katao rin ang kinailangang ilikas mula sa kanilang mga tahanan sa kalapit na lalawigan ng Quebec sa Canada, kasunod ng malakas na pag-ulan.
Ayon sa mga awtoridad, sa loob ng 48 oras ay halos 5.5 pulgada ng ulan ang bumagsak sa Montmorency forest, malapit sa Quebec City, na nagdulot ng mabilis na pagtaas ng lebel ng ilog.
Sinasabi ng mga siyentipiko na ang pagbabago ng klima ay nagpapatindi sa panganib ng malakas na pag-ulan, dahil ang mas mainit na kapaligiran ay nagtataglay ng mas maraming tubig.