Stealth Omicron hindi makakaapekto kahit ibaba sa Alert level 1 ang NCR
Naniniwala ang isang infectious disease expert na handa na ang Metro Manila na bumaba sa Alert level 1.
Ito ay kahit na may banta parin ng Omicron variant sa ibang bansa na nagdudulot ng surge ng mga kaso.
Sa Estados Unidos ay nagsisimula ng kumalat ang BA.2 o stealth omicron na pinangangambahang maging dahilan ng pagtaas na naman ng mga kaso ng COVID-19 roon.
Ang BA.2 ay sub lineage ng omicron variant ng COVID-19 .
Habang ang Hong Kong naman, nakakaranas ng 5th wave ng COVID-19 infection dahil sa Omicron.
Dito sa Pilipinas, noong nakaraang buwan, una ng kinumpirma ng Department of Health na predominant sa maraming rehiyon sa bansa ang BA.2 na karaniwan umanong nakikita sa local cases.
Pero sa kabila nito, naniniwala si Dr. Rontgene Solante, Hepe ng adult infectious disease unit ng San Lazaro Hospital at miyembo rin ng Vaccine Expert Panel na hindi makakaapekto ang BA.2 sakaling magluwag ng restriction o ibaba na sa Alert level 1 ang National Capital Region.
Iginiit rin niya na sa ngayon, sapat pa ang naibibigay na proteksyon ng 3 dose ng bakuna laban sa mga variant ng COVID-19 kabilang na ang Omicron.
Batay sa pag-aaral ng mga eksperto, ang BA.2 ay highly transmissible at maaaring magdulot ng severe infection lalo na sa vulnerable population gaya ng mga nakatatanda.
Sa ngayon, ayon kay Solante ay pinag-aaralan pa nila kung ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ibang bansa ay sinabayan rin ng pagtaas ng kanilang health care utilization rate.
Sa pinakahuling tala, may mahigit dalawang libong kaso ng Omicron variant na ang natukoy sa bansa.
Madz Moratillo