Stranded na Pinoy tourist sa Peru airport, na-contact na ng embahada
Natawagan na sa telepono ng Embahada ng Pilipinas sa Santiago ang Pilipinong turista na istranded sa Machu Picchu, Peru dahil sa pagsasara ng Cusco International Airport.
Suspendido ang operasyon sa nasabing paliparan at ilan pang airports sa Peru dahil sa mga mararahas na protesta bunsod ng political crisis doon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Pinoy ay isang 24 anyos na lalaking backpacker na dumating sa Peru noong Disyembre 9.
Nasa mabuting kondisyon naman daw ang Pinoy tourist.
Plano naman ng Pinoy na ituloy ang kaniyang paglalakbay sa rehiyon sa oras na mag-resume na ang mga flight sa Lima, Peru.
Sinabi ng DFA na ipinabatid sa embahada na pinaprayoridad na ng Peruvian authorities ang pagbubukas ng regional airports sa December 18.
Tiniyak ng DFA na patuloy na minomonitor ng embahada ang sitwasyon sa Peru.
Tinatayang 160 overseas Filipinos ang nagtatrabaho at naninirahan sa Peru.
Moira Encina