Strategic partnership deal, nilagdaan ng Pilipinas at Australia
Pinatibay pa ng Pilipinas at Australia ang kanilang alyansa sa seguridad at ekonomiya nitong Biyernes, sa pamamagitan ng paglagda sa isang strategic partnership na may hangaring pigilin ang lumalagong impluwensiyang pangrehiyon ng China.
Ang kasunduan ay isinapinal kasunod ng pulong sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at Australian Prime Minister Anthony Albanese sa Maynila.
Ang pagbisita ni Albanese, na tanda ng unang bilateral talks sa isang Australian prime minister sa Maynila sa loob ng 20 taon, ay kasunod ng isang serye ng biyahe ng senior members ng kaniyang gobyerno sa Pilipinas simula nang maupo si Marcos sa puwesto noong 2022.
Sa ilalim ng isang strategic partnership, palalawakin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa ilang lugar mula depensa at seguridad hanggang sa climate change at edukasyon.
Sinabi ni Albanese sa mga opisyal, diplomats at mamamahayag makaraang lagdaan ang kasunduan, “This elevation is an important symbol of the strength of our relationship and our shared commitment to do more together.”
Ang lumalagong impluwensiya ng China sa Taiwan at ang militarisasyon ng mga artipisyal na isla sa pinagtatalunang South China Sea ay nag-udyok sa Canberra, gayundin sa Washington, na palalimin ang defense cooperation sa bansa na matagal na nilang kaalyado.
Sa simula ng pag-uusap ay pinasalamatan ni Marcos si Albanese sa “matatag niyang suporta” para sa Pilipinas.
Anang pangulo, “To have friends like you and partners like you especially on that subject is very gratifying and encourages us to continue down that path.’
Inilarawan naman ni Albanese ang dalawang bansa na “great friends” at nagpahayag ng pag-asa na ang pagbisita nito ay makatutulong sa “mas mataas pang lebel.”
Ang strategic partnership ay ang highest level ng bilateral ties na mayroon ang Australia sa Pilipinas.
Inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea, at binabalewala ang isang international ruling na walang legal na basehan ang pag-aangkin nito.
Ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Brunei ay may inaangkin ding bahagi rito.
Noong isang buwan, ay nagkaroon ng isang major joint exercise ang Australian at Filipino troops malapit sa pinagtatalunang lugar.
Ang naturang event ay sinaksihan ni Marcos, ng kaniyang defence minister na si Gilberto Teodoro at ni Australian Defence Minister Richard Marles.
Ang joint exercise ay pinuri ni Marcos bilang isang “mahalagang aspeto sa paghahanda sa anomang mangyayari.”
Ang nasabing drills ay nangyari matapos na harangin ng China Coast Guard vessels ang isang Philippine resupply mission sa Second Thomas Shoal sa Spratly Islands sa pamamagitan ng water cannon noong August 5, na nagdulot ng isang diplomatic spat at international outrage.
Samantala, kabilang pa sa ibang kasunduan na nilagdaan ay ang isang memorandum of understanding para sa reciprocal work at holiday visas.
Nagkasundo rin ang dalawang bansa na magsagawa ng isang annual defence ministers’ meeting.
Nanawagan naman ang Human Rights Watch (HRW) kay Albanese na seryoso ring talakayin ang karapatang pantao sa kaniyang pakikipag-usap kay Marcos, kabilang na ang pagsusulong na itigil na ang “deadly drug war” na sinimulan ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Australia director for HRW Daniela Gavshon bago ang naging pag-uusap ni Albanese at Marcos, “The Australian government should recognise that it would be a mistake to deepen defense and security ties with the Philippines while ignoring human rights concerns.”
Dagdag pa niya, “A security partner that routinely violates basic human rights will ultimately provide little safety and security for anyone.”