Strip search sa mga bisita ng PDLs sa mga kulungan ng BuCor ipinatigil muna
Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang, Jr., ang agarang pagpapahinto sa strip search sa mga bisita ng mga inmate sa lahat ng piitan ng kawanihan.
Ayon kay Catapang, ito ay habang nirerebyu ng BuCor ang procedures at protocols at hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa reklamo ng dalawang babaeng jail visitors kamakailan.
Nilinaw ng BuCor na kakapkapan pa rin ang mga dalaw at tanging ang strip search at pagpapa-squat ang ititigil muna.
Gayunman, nanindigan si Catapang sa mga pagsisiyasat sa mga bisita na ipinatutupad ito sa lahat ng prison and penal farms ng BuCor.
Iginiit ng opisyal na ginagawa ito para maiwasan na makapasok ang mga kontrabando gaya ng iligal na droga.
Ayon kay Catapang, “30 ang aming nahuli na nagpapasok contraband starting last yr and up to march pa lang un ang highlight maniwala kayo sa hindi may tabako na may cellphone pa may charger may hearing aid pa naipasok.”
Matagal na rin aniyang nakalatag ang mga proseso ng frisking, strip, at physical cavity search sa PDL visitors.
Sinabi ng opisyal, “For the longest time since nakaupo ako yan anh protocol every month 5000 bumibisita they go thru the same protocol.’
Duda naman si Catapang kung bakit ngayon lang nagreklamo ang dalawang jail visitor na maraming beses nang nakadalaw sa Bilibid.
Ani Catapang, “Nagtataka lang ako so if there’s something na nangyari for that specific time may nangyari sa dami ng 5,000 na bumisita dito bakit 2 lang ang nagreklamo?”
Aalamin naman aniya ng BuCor kung ang mga nagreklamo ay kamag-anak ng mga inmate na ililipat sa ibang penal farm.
Sinabi pa ni Catapang na magsasagawa ang BuCor ng simulation kasama ang Commission on Human Rights kung ano ang nangyari.
Aniya, “Gusto namin isimulate uli kung ano nangyari based on that chr on their presence can make a comment ito mali ito ito tama ito.”
Inihayag ni Catapang na plano ng BuCor na bumili ng body scanners pero may kamahalan ang halaga nito na P20 to P25 million kada unit.
Posibleng sa susunod na taon na aniya sila makabili dahil wala sa pondo ng kawanihan ngayong taon ang body scanners.
Sabi nito, “Its quite expensive were looking around na baka mas may mura pa.”
Moira Encina