Subpoena laban kay Cong. Teves sa Degamo murder, inilabas ng DOJ
Aarangkada na sa darating na Martes, Hunyo 13 ang pagdinig ng Department of Justice (DOJ) sa mga reklamong murder laban kay Congressman Arnolfo Teves Jr kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pang katao.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, napadalhan na ng subpoena ang kampo ni Teves para sa preliminary investigation.
Si Teves na sinasabing utak sa krimen ay sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga reklamong murder, frustrated murder, at attempted murder noong May 17 sa DOJ.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na sa tingin niya ay wala nang dahilan para muling buksan ng Senado ang imbestigasyon ukol sa Degamo killing at dapat ay ipaubaya na lang ito sa piskalya at korte kahit bumaligtad ang ilan sa mga suspek.
“This really belongs right now already to the prosecution and the courts. Yung aid of legislation, i think they were able to conduct more than 100 hours of hearing in the Senate, they have asked all the questions already,” dagdag pa ni Remulla.
Naninindigan din ang justice chief na ang retraction o pagbawi ng mga akusado sa kanilang testimonya ay madalas na hindi pinaniniwalaan o hindi binibigyang bigat ng mga hukuman.
“The issue of recantation is very simple, tingnan nyo mga libro ng batas. Recantations are frowned upon by the courts, hindi po tinitingnan ang pagbabawi ng salita bilang isang magandang asal dahil hindi po maaasahan ang mga taong nagbabawi ng salita, hindi po yan kapani-paniwala,” pagdidiin pa ni Remulla.
Samantala, hihintayin muna umano ng Anti- Terrorism Council (ATC) ang pormal na kaso laban kay Teves bago ito tuluyan na i-designate na terorista para mas maging matibay ang batayan nito.
“Syempre naghahanap ng basehan yan kahit maraming ebidensyang hawak mas mabuti siguro na hawak nila mismong kaso na nai-file. Siguro yun ang hinihintay nila kasi kung ako ang tatanungin nyo, yun din ang gagawin ko,” dagdag na pahayag pa ng opisyal.
Bukod sa mga reklamong murder, may mga hiwalay na mga reklamong illegal possession of firearms and explosives laban sa kongresista.
Moira Encina