Subscriber ng Netflix, umakyat sa 230 million
Inihayag ng US streaming giant na Netflix, na natapos ang 2022 na mayroon silang higit sa 230 milyong global subscribers, na higit sa inaasahan ng mga analyst dahil ang mga hit tulad ng “Wednesday” at “Harry & Meghan” ay nakaakit ng mga bagong manonood.
Sa isang liham na nag-aanunsiyo sa kanilang 4th quarter earnings ay sinabi ng kompanya, “2022 was a tough year, with a bumpy start but a brighter finish.”
Inanunsyo rin ng Netflix na ang co-founder na si Reed Hastings ay nagbitiw na bilang CEO, na tumapos sa dalawang dekadang tagal ng pamumuno na naging saksi sa paglago ng kompanya mula sa isang rent-by-mail DVD service hanggang sa maging isang “entertainment juggernaut.”
Ipinasa ni Hastings ang pang-araw-araw na kontrol sa Netflix sa dalawang matagal na niyang associates Chief Operating Officer na sina Greg Peters at Ted Sarandos, na naging mukha ng Netflix sa Hollywood at pinangalanang co-CEO.
Sa isang blog post ay sinabi ni Hastings, “Our board has been discussing succession planning for many years (even founders need to evolve!).”
Sinabi nito na hahawakan niya ang bagong trabaho ng pagiging executive chairman, at binanggit na ito ay isang tungkulin na madalas gawin ng mga tech giant founder, at tinukoy sina Jeff Bezos ng Amazon at Bill Gates ng Microsoft bilang mga halimbawa.
Ang pagpapalit ng gampanin ay inihayag sa panahong nag-post ang Netflix ng mga karagdagang subscriber na lumampas sa inaasahan.
Sinabi ng streaming giant na nakaakit ito ng 7.7 milyong bagong miyembro sa loob ng tatlong buwan, na nagdala sa Netflix membership sa buong mundo sa 230 milyong tao.
Pinuri ng Netflix ang isang matagumpay na hanay ng bagong content na kinabibilangan ng horror-themed comedy na “Wednesday,” na nagsabing ang “Addams Family” spinoff ay ang pangatlong pinakasikat na serye ng kompanya.
Naging hit din ang royal tell-all documentary na “Harry & Meghan” ayon sa Netflix, maging ang “Glass Onion: A Knives Out Mystery” na pinagbibidahan ni Daniel Craig.
Sinabi ng tech and media analyst na si Paolo Pescatore, “This is in stark contrast to the first half of the year. Creating the next biggest blockbuster drives subscribers.”
Nakatulong ang mga bagong palabas na maakit ang mga user sa isang bagong mas mababang presyong “Basic with Ads” na subscription, ngayong nagbabawas ng paggasta ang mga consumer sa entertainment sa gitna na rin ng tumataas na inflation at isang hindi tiyak na ekonomiya.
Ang kita noong Oktubre hanggang Disyembre, na $7.85 bilyon, ay naaayon sa mga pagtatantya at nakatulong upang tumaas ang shares ng Netflix nang higit sa anim na porsiyento pagkatapos ng announcement.
Iginiit ng Netflix na ang pagbibilang ng mga bagong user ay hindi na ang pinakamahalagang pamantayan o criteria para i-assess ang “health” ng kompanya, kundi ang kita ang dapat na maging pangunahing sukatan.
Sinabi ng Insider Intelligence principal analyst na si Paul Verna, “What may be getting lost in the mix is that some number of new subscribers, we don’t know how many, likely came in on Netflix’s ad-supported tier. That means, most likely, lower average revenue per subscriber, which is a measure Wall Street will be paying more attention to as Netflix’s ad businesses scales up.”
Matapos naman ang mga taon ng pag-iisa bilang premiere streaming site sa mundo, nahaharap na ngayon ang Netflix sa matitinding kumpetisyon mula sa “deep-pocketed” rivals, kabilang ang Disney +, na nag-introduce rin ng isang ad-based subscription.
Ngunit sa kabila ng mga bagong hamon, ang Netflix ay isa sa mga “rare tech giant” na nakakuha ng kumpiyansa mula sa Wall Street kung saan ang share price nito ay tumaas ng halos 50% sa nakalipas na anim na buwan.
© Agence France-Presse