Sumatra, Indonesia niyanig ng 6.6 magnitude na lindol
MEDAN, Indonesia (AFP) – Niyanig ng 6.6 magnitude na lindol ang west coast ng Sumatra, na nagbunga ng pagpapanic ng mga nakatira sa pinakamalapit na isla.
Ang mababaw na lindol ay tumama malapit sa isla ng Nias, nasa 250 kilometro o 160 milya sa timog ng Sinabang City.
Ayon kay Nias Search and Rescue Agency spokesperson Agus Wibisono, wala pa namang agad na napaulat na damage o casualties.
Sinabi pa ni Wibisono na may kalakasan ang pagyanig, dahilan upang mag-panic ang mga tao laluna yaong mga nakatira sa paligid ng baybayin sa takot na magkaroon ng tsunami.
Malakas ding naramdaman ang pagyanig sa Padang, ang kapitolyo ng West Sumatra, na sinundan ng mas mahinang aftershock subalit wala ring napaulat na damage o casualties.
Ang Indonesia ay malimit makaranas ng paglindol at pagputok ng bulkan, dahil ito ay nasa Pacific “Ring of Fire.”
Noong 2004, isang mapaminsalang 9.1 magnitude na lindol ang tumama sa baybayin ng Sumatra na nagbunsod ng isang tsunami, na ikinasawi ng 220,000 katao sa buong rehiyon kabilang na ang nasa 170,000 sa Indonesia.
Noon namang 2018, isang malakas na lindol ang yumanig sa isla ng Lombom at ilan pang pag-uga ang naramdaman sa mga sumunod na linggo, na ikinamatay ng higit 550 katao sa naturang isla at katabing Sumbawa.
2018 din nang yanigin ng isang 7.5 magnitude na lindol na sinundan ng isang tsunami ang Palu sa Sulawesi island, kung saan 4,300 katao ang kung hindi namatay ay nawala.
@ Agence France-Presse