Sumbong ng pang-aabuso sa mga kabataan,dumami nitong COVID-19 pandemic
Mas dumami ang mga natanggap na sumbong ng pang-aabuso sa mga kabataan ng Department of Social Welfare and Development nitong kasagsagan ng Covid-19 Pandemic.
Ito ang inihayag ni Miramel Laxa, Hepe ng Sectoral Programs Divison ng Program Management Bureau ng DSWD.
Pinakamarami aniya sa kanilang natanggap na sumbong ay online sexual abuse at exploitation sa mga bata.
Ang pinakabatang biktima aniya na kanilang naitala, 3 buwang gulang na sanggol.
Paniwala ni Laxa, maaaring ang kahirapan ang isa sa pangunahing dahilan kaya nagawa ito ng mga magulang.
Babala ni Laxa, patong patong na kaso ang maaaring kaharapin ng mga magulang na mapapatunayang inilantad sa sexual exploitation ang kanilang mga anak.
Ang mga batang biktima kukunin naman muna aniya ng DSWD.
Isa pa sa maraming sumbong na natanggap aniya ng DSWD noong panahon ng pandemya ay ang pang aabuso gaya ng pananakit sa mga bata.
Paniwala ni Laxa, ito ay dahil naman sa naging epekto sa mga magulang ng pandemya kung saan ang iba nawalan ng trabaho.
Tiniyak naman ng Opisyal na ginagawa nila ang lahat ng hakbang para maprotektahan ang mga kabataan.
Madelyn Villar Moratillo