‘Super Mario’ movie, nanguna sa North American opening
Nanguna sa North American opening weekend ang “The Super Mario Bros. Movie” ng Universal, na ayon sa mga analyst ay maaaring dominahin ang buong 2023.
Ang animated film, na isang joint effort ng Universal, Nintendo at Illumination studios, ay nakapagbenta ng tinatayang $146.4 milyon (P8 bilyon) tiket nitong nagdaang weekend, at $204.6 milyon (P11.1 bilyon) sa unang limang araw nito, at ayon sa industry watcher na Exhibitor Relations, “it will easily be the #1 flick of 2023.”
Sinang-ayunan naman ito ng analyst na si David A. Gross sa pagsasabing, “The numbers are sensational. The results were the best ever for a first episode animation, largely due to the film’s broad appeal, drawing both families and young and old viewers, both male and female. With its foundation in one of the most popular video games of all time, It’s a marketer’s dream.”
Pumangalawa naman para sa weekend na may katumbas ng 1/10th ng ticket sales ng “Super Mario” ay ang neo-noir ng Lionsgate na “John Wick:Chapter 4” na kumita ng $14.6 million (P798 million).
Ang pelikula na pinagbibidahan ni Keanu Reeves, ay pinuri dahil sa action choreography nito, na gawa ng direktor at dating stunt man na si Chad Stahelski.
Nasa third spot naman ang dating number one noong nakalipas na linggo, ang “Dungeons & Dragons: Honor Among Thieves,” ng Paramount at eOne’s na kumita ng $14.5 million (P793 million). Nakabase sa sikat na role-playing game, kinatatampukan ito nina Chris Pine, Michelle Rodriguez, at Hugh Grant.
Ang bagong release ng Amazon Studios na “Air,” na tungkol sa origin ng Air Jordan basketball shoe line ng Nike ang nasa pang-apat, na kumita ng $14.46 million (P790 million), na tinawag ni Gross na, “an excellent opening for a sports drama.”
Ito aniya ay dahil sa “elite cast” ng pelikula na kinabibilangan nina Matt Damon, Ben Affleck, Jason Bateman, Marlon Wayans, Chris Messina, Chris Tucker at Viola Davis, at maging sa “outstanding” reviews at worldwide familiarity ng Nike brand.
Nakuha naman ng horror flick na “Scream VI,” mula sa Paramount at Spyglass Media, ang ika-limang puwesto, matapos kumita ng $3.3 million (P180 million).
Narito naman ang kukumpleto sa top 10:
- “His Only Son” – $3.3 million (P180 million)
- “Creed III” – $2.8 million (P153 million)
- “Shazam! Fury of the Gods” – $1.6 million (P87.5 million)
- “Paint” – $750,000 (P41 million)
- “A Thousand and One” – $600,000 (P32.8 million)
© Agence France-Presse