Super typhoon Betty, nakapasok na sa Philippine area of responsibility
Alas-dos ng madaling-araw ngayong Sabado, May 27, pumasok sa Phillippine area of responsibility (PAR) ang super typhoon Betty (may international name na Mawar).
Sa ulat ng state weather bureau PAGASA, ang bagyong Betty ang ikalawang bagyo na pumasok sa bansa ngayong 2023, at ang una na may super typhoon category.
Sa weather bulletin kaninang alas-5 ng umaga, namataan ang bagyong Betty sa 1,320 km sa silangan ng Central Luzon at may lakas ng hangin na umaabot sa 195 kilomepters per hour malapit sa gitna at bugso na aabot sa 240kph.
Kumikilos ang super typhoon Betty pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Wala pang itinataas na tropical cyclone wind signal ang PAGASA ngunit asahan ito sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Sa forecast ng PAGASA, mananatili ang super typhoon category ni Betty ngayong weekend, habang pinananatili ang kilos nito sa direksyon ng kanluran-hilagang-kanluran, hanggang pa-hilagang-kanluran bago bumagal.
Inaasahang halos magiging “stationary” ang bagyo sa pagitan ng gabi ng Martes at umaga ng Miyerkules kung kailan pinakamalapit ito sa Batanes.
“Although it will likely maintain its strength for the next 36-48 hours, short-term intensification is not ruled out, especially in the next 12 to 24 hours,” nakasaad sa bulletin ng PAGASA.
“however, this tropical cyclone may begin weakening considerably on Monday or Tuesday during its slowdown period over the waters east of Batanes due to potential unfavorable conditions (e.g., effect of upwelling of cooler ocean water and dry air intrusion),” dagdag na paliwanag ng PAGASA.
Bago pumasok sa PAR, ang super typhoon Betty (may international name na Mawar) ay direktang tumama at nanalasa sa Guam, isang US territory sa Pacific.
Weng dela Fuente